MABUTING BALITA
Lucas 24, 35-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Samantalang pinag-uusapan ng mga alagad ni Hesus kung paanong nakilala si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Sa gitna ng pagpupulong ng mga alagad, lumitaw si Hesus at binigyan sila ng kapayapaan. Iba na ang anyo ni Hesus matapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi na kailangang buksan pa ang pinto. Siya mismo ay nakakapunta kung saan Niya naisin. Muling pinatunayan ni Hesus na Siya’y buhay at may mga buto at laman. Hindi Siya isang guni-guni o kathang-isip lamang. Totoong nabuhay si Hesus. Sa ating buhay, malamang ay maraming pasakit ang tila wala nang kahihinatnang maganda sa ating pag-aakala. Subalit sa ating patuloy na pananalig kay Hesus, ang Kanyang muling pagkabuhay pa rin ang isang patunay na kung mananatili tayo sa pananalangin sa Diyos, magkakaroon din ng mabuting bunga ang anumang paghihirap natin.
Ipinaliwanag ni Hesus sa Kanyang mga alagad na kailangang magdusa at mamatay ang Mesiyas dahil iyon ang makapagliligtas at makapagbabayad ng ating mga kasalanan. Sa ganoon ding paraan, hindi tayo naparito sa mundo upang magpakasaya lamang. Mayroon tayong natatanging misyon bilang mga Kristiyano o taga-sunod ni Kristo at ito ay ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa salita man o sa gawa. Ang mga gawain at misyong ito ay upang ipaalaala sa atin na hindi dito ang ating permanenteng tahanan. Misyon nating makabalik sa Ama sa Langit sa pamamagitan ni Hesus at maakay din ang ating mga kapatid pabalik sa Diyos – lahat tayo’y magkakapatid kay Kristo hindi lang dahil sa dugo. Ang paraan para makapag-ipon ng kayamanan sa Langit ay ang pagsasakripisyo at mabubuting gawa para sa kapwa dito sa lupa.
Kung tatanggapin at paniniwalaan natin ito bilang realidad ng ating buhay, tayo’y magkakaroon ng kapayapaan at kapanatagan ng loob sa gitna ng bawat pagsubok. Ito rin ay dahil naniniwala tayong lahat ng paghihirap dito ay matatapos din. Ang ating tuwang hindi matatapos sa Langit ay makakamtan natin kapag nanatili tayong mabuti dito sa lupa hanggang huli, kahit pa masama ang mundo at ang ibang tao. Kung nagkamali man, mahalagang laging humingi ng tawad sa Diyos sa pagkukumpisal at magsimula muli gaya ng mga alagad ni Hesus na may mga kahinaan at kasalanan din sa Kanya noong una. Walang hanggan ang awa ng Diyos kung gusto nating magbago.