Ipinagdiriwang ngayon ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Karaniwan itong ipinagdiriwang tuwing ika-8 ng Disyembre. Ngunit ngayong taon ay inilipat ito sa kasunod na araw dahil ang ika-8 ng Disyembre ay tumapat ng Linggo.
Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayo na ang Mahal na Birheng Maria ay ipinaglihing walang bahid ng salang orihinal mula sa sandali ng paglilihi sa kanya. Ito ay isang grasya ng Diyos bilang paghahanda kay Maria upang maging ina ng ating Panginoong Hesukristo. Ang dogmang ito ay pormal na idineklara ni Papa Pio IX noong Disyembre 8, 1854, sa pamamagitan ng dokumento na "Ineffabilis Deus".
Si Maria ay ating modelo ng kalinisan. Buong buhay niya, hindi siya nagbahiran ng kasalanan. Pinanatili niya ang kadalisayan ng kanyang isip at puso. Sa pagdiriwang natin ng Dakilang Kapistahan na ito, tularan nawa natin ang kanyang halimbawa. Palagi nawa nating hangarin ang kabutihan ng ating sarili at ng ating kapwa. Sikapin nating huwag makagawa ng kasalanan na nakasasakit sa damdamin ng Diyos. At kung tayo man ay magkasala, huwag tayong matakot na lumapit sa awa ng Diyos at humingi ng tawad sa Kanya sa pamamagitan ng pagkukumpisal. Sa ganitong paraan, tayo rin ay magiging “kalugod-lugod sa Diyos.”
O Maria, ipinaglihing walang sala, ipanalangin mo kaming dumulog sa iyo!