Nobyembre 9, 2024
MABUTING BALITA
Marcos 12, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo. “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!”
Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Pinuri ni Hesus ang ginang na naghulog ng dalawang kusing kaysa sa mga naghuhulog ng malaki subalit para naman ipagyabang sa iba at mapuri sila. Isa itong patunay na hindi tumitingin ang Diyos sa pera, kung gaano kalaki o kaliit, kundi sa pagbibigay base sa totoong kakayanan at pag-ibig. Ang ginang ay naghulog mula sa kanyang kadukhaan. Hindi niya inintindi ang sarili bagkus ay inuna niya ang Diyos sa paniniwalang aalagaan siya ng Diyos. Marahil sa iba, katawa-tawa ito ngunit wala pang umasa sa Diyos na may malinis na puso at intensiyon, at kabaang-loob ang nabigo sa pagdepende sa Kanya. Hindi ibig sabihin nito na kahit mahirap ay magbigay kahit wala na siyang makain subalit isa itong pagsasalarawan upang magsilbing aral na ibigay natin kung ano ang kaya natin. Kung may dalawa tayong pandesal, ibigay natin ang isa. Kung may dalawang damit, ibigay ang isa sa walang masuot. Kung may P 40 tayo, maari nating ibigay ang P 20 nang bukal sa loob sa mahirap man o sa simbahan. Ang tunay na pagbibigay ay may kalakip na pag-ibig, hindi pagmamalaki. Ang lahat ng sa atin ay mula sa Diyos. Binabalik lamang natin ito kapag tayo ay nagbibigay sa simbahan o sa mga nagugutom. Hindi natin alam na doon pa lang siya makakakuha ng makakain matapos ng ilang araw na tag-gutom. Diyos ang nagbabalik ng anumang ibigay natin, hindi man laging dito sa mundo kundi sa buhay na walang hanggan. Ang daan natin patungo roon ay ang pagbibigay ng sarili, lahat ng mayroon tayo at makakaya natin sa Diyos at kapwa tulad ni Hesus. Amen. +