MARIKINA City: Matagumpay na naidaos ang proyektong Breast and Cervical Cancer Screening sa Dambana at Parokya ng Ina ng mga Walang Mag-Ampon sa lungsod ng Marikina. Naganap ang nasabing screening noong May 20, 2023 sa pangunguna ng Ministry on Social Service and Human Development ng parokya at sa pakikiisa ng Philippine Cancer Society, Rotary Club of Makati at Rotary Club of Makati Premier District.
Layunin ng proyektong ito na masuri ang bawat indibidwal na nagpatala kung sila ay positibo sa Breast at Cervical Cancer. Walumpung (80) kababaihan ang nagpatala at nagpasuri sa mga doktor sa pamumuno ni Dr. Ramon Moncaida katulong ang ilang volunteers at medical staff ng mga nasabing organisasyon.
Nagkaroon ng 2 batches ng Breast and Cervical Cancer Screening na isinagawa sa loob ng Rotary Cancer Screening bus. Ang unang batch ay isinagawa mula ika-8 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali, habang ang ikalawang batch naman ay ginanap mula ika-2 ng hapon at nagtapos ng ika-5 ng gabi.
Para sa iba pang mga nagnanais magpasuri, hanapin lamang si Dr. Dennis Santos sa Amang Rodriguez Hospital- DOH CSPB sa lungsod ng Marikina. Libre ang treatment na isasagawa para sa mga nagpositibo sa nasabing pagsusuri ayon sa Department of Health (DoH).
Arvin Valencia | OLA Social Communications