Ilang taon na ang lumipas nang magsimula akong maglingkod sa simbahan at tuwing mga Mahal na Araw, maraming gawaing panliturhiya ang tila ba kakaiba para sa akin. Isa rito ang ginaganap tuwing Huwebes Santo; ang Paghuhugas ng Paa. Marahil ay ibinase ito sa isang kaganapang ipinakita ni Hesus sa kanyang mga apostol bago niya tahakin ang kalbaryo tungo sa kamatayan ngunit ano nga ba ang tunay na kahulugan nito? Ano ba ang esensya nito sa atin bilang mga Kristiyano? Bakit kinakailangang gunitain at sariwain ang ganitong uri ng kaganapan tuwing Mahal na Araw?
Ang tagpong ito na makikita sa Banal na Aklat ay sadyang malalim ngunit kung ating iisipin, napakapayak lamang ng nais nitong ipangahulugan sa para sa atin: pagpapakumbaba at paglilingkod. Sa Misa ng Huwebes Santo, pari ang nagsasagawa nito sa iba’t ibang tao na maaaring mula sa iba’t ibang sangay ng simbahan at maaari ring sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kapansin-pansin na matapos hugasan ng pari ang mga paa ay kanya itong hinahalikan tulad ng ginawa ni Hesus sa kanyang mga apostol.
Si Hesus ay Panginoon ngunit hinangad pa rin niya na maglingkod sa tao sa pamamagitan ng pagiging payak at pagpapakumbaba. Bilang mga Kristiyanong sumasampalataya kay Hesukristo, tayo ay tinatawagan na maglingkod sa bawat isa lalo na sa mga nangangailangan dahil ito ay isang akto ng pagpapakumbaba na nagpapakita naman ng pagmamahal sa ating kapwa. Dahil dito, nabibigyang halaga at nagkakaroon ng kabuluhan ang ating buhay at pananampalataya tulad ng kay Hesus. Naipamamalas din dito na tayo ay nabubuhay ayon sa pag-ibig ng Diyos: may pagkakapantay-pantay, nagkakaunawaan, at nagmamahalan. Sa puntong ito, makikita natin na ang kahalagahan ng pagsasariwa at paggunita nito ay pumapatungkol sa pagtawag sa atin ng Diyos tungo sa paglilingkod nang may pagpapakumbaba, matimyas na pagmamahal at pagtanggap sa ating kapwa, at pag-unawa sa kanilang abang kalagayan.
Tunay ngang napakalalim ng tagpong ito sa Banal na Aklat na ipinakita sa atin ng Panginoong Hesukristo. Tayo nawa ay tumugon sa panawagan sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga salita na binitiwan niya sa tao na nagsisilbi nating gabay para sa isang makabuluhan na paggunita sa Mahal na Araw bilang bahagi ng ating pananampalatayang Kristiyano.
Gabriel Hans Ordoñez OLA Social Communications