Ngayong taon, ang Miyerkules ng Abo o “Ash Wednesday” ay sa ika-22 ng Pebrero. Ang paglalagay ng mga abo sa noo o sa ulo ay tanda ng pagsisisi sa mga kasalanan. Ang sinasabi habang naglalagay ng abo ay “Magsisi at maniwala sa Ebanghelyo.” Ito ang buod ng panahon na ito – ang pagsisisi sa ating mga kasalanan. Hindi lamang ito tuwing Semana Santa ngunit simula ngayong Miyerkules ng Abo. Ang Miyerkules ng Abo ay apatnapu’t anim o 46 na araw bago ang simula ng Semana Santa na magsisimula sa Linggo ng Palaspas o “Palm Sunday”. Apatnapung (40) araw ang itinatagal ng Kuwaresma o “Lent”. Tinatawag ito na “Kuwaresma”, mula sa salitang Latin na “Quadragesima” na ang ibig sabihin ay “pang-apatnapu”. Apatnapung araw dahil apatnapung araw ding nanatili si Hesus sa disyerto para manalangin at mag-ayuno. Doon Siya natukso nang tatlong beses at nagwagi rin laban sa demonyo. Kaya naman, ang panahon na ito ay isa rin sa pinakaayaw ng mga kaaway ng ating kaluluwa. Sapagkat kung itutuon natin ang ating buong puso at diwa para sa paghihingi ng tawad sa Diyos, pagsasakripisyo, at pagkakawanggawa, ay magagapi rin natin ang mga masasama at tukso sa buhay. Sa tatlong mahahalagang bagay iikot ang panahon ng Kuwaresma – “Prayer”, “Fasting” at “Almsgiving”. Kung ito ang pagtutuunan natin ng pansin sa ating sariling paraan, tiyak ay magiging makabuluhan ang ating Kuwaresma ngayong taong ito sa hindi maipaliwanag na paraan. Ito’y mararanasan lamang natin kung ating gagawin.
Para sa panimula, bilang paalala, bawal kumain ng karne sa Ash Wednesday, Good Friday at sa lahat ng Biyernes ng panahon na ito. Hindi kasama ang Linggo sa mga “Penitential Days”. Kaya saktong apatnapung araw ang panahon ng Kuwaresma. Hindi lamang basta ito bawal. Ito’y isang sakripisyo - isang pakikibahagi sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus. Dapat itong samahan ng panalangin at paghingi ng tulong at gabay sa Diyos. Tayo’y pumapasok din sa disyerto kung saan naroon ang Panginoon. Mapapansin nating kung ang ating mga panlasa, paningin at iba pang mga hangarin ng katawan ay laging pinagbibigyan, lalo itong pumupuno sa ating isip. Lalo tayong nagiging abala rito. Halimbawa, habang nakakakain ng masasarap na pagkain, lalong gustong ulit-ulitin ito. Kapag nakakaranas ng magagandang bagay, pagkatapos niyon ay maghahanap ulit ng panibagong oportunidad para sa ganoong karanasan. Tila hindi ito matatapos. Marahil ay hindi natin namamalayan na dahil pala dito, mas mahirap tumingin sa Diyos at sa sarili nang hindi nababalisa sa mga bagay sa mundo. Mas mahirap lumalim ang relasyon sa Diyos kung puro sarili ang iniintindi at nakikita. Ang makakatulong lamang ay ang malinis ang puso, isip at diwa, sa pamamagitan ng paggapi natin sa panlasa at pandamang umaalipin, at pagbawas o pagtigil ng iba pang tipikal na aktibidad na ating ginagawa kagaya ng sobrang paggamit ng internet, Facebook o Tiktok at iba pa. Maari itong palitan ng mas maraming panahon sa pananalangin, sa pagkilala ng Diyos at ng sarili, sa pagbalik-tanaw sa ating naging buhay - sa mga nagawa at hindi pa nagagawa na mula sa Diyos.
Bilang mga anak ng Diyos at kapatid ni Kristo, tungkulin nating makibahagi sa pagpapakasakit ni Hesus at nang tayo rin ay mas maging sensitibo sa paghihirap ng iba. Sa pamamagitan ng grasya at awa ng Diyos, mas makikita natin na ang saysay ng buhay ay ang hindi lamang sariling pag-angat at pagkamit ng gusto sa buhay. Higit sa lahat, ito’y pag-ibig nang may pagkilos sa Diyos – pagbibigay ng sarili sa Kanya, pagbibigay ng tulong sa kapwa nang hindi nagbibilang. Ang mga ito ang tunay na nakakapagpasaya sa puso ng tao na ginawa ng Diyos, ngunit ang mga ito’y hindi matatamo nang walang sakripisyo. Gawin natin lahat ng ito tanda ng pagsisisi. Kaawaan at tulungan nawa tayo ng Diyos. Patatagin, hilumin Niya nawa ang ating mga sugat ng puso at kaluluwa. Basbasan nawa Niya tayo at protektahan sa buong panahon ng apatnapung araw ng paghahanda.
Amen. +
Marga de Jesus | OLA Social Communications