Tuwing ika-16 ng Oktubre ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni Santa Margarita Maria Alacoque. Siya ay ipinanganak noong Hulyo 22, 1647 sa bansang France at kalaunan ay pumasok sa Order of the Visitation of Holy Mary bilang isang mongha. Higit na nakilala ang santong ito dahil sa ilang beses na pangitain ni Hesus sa kanya. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang puso kay Santa Margarita Maria Alacoque. Ito ay nag-aalab tanda ng matinding pagmamahal para sa sanlibutan ngunit sugatan dahil sa pagkakasala. Iniutos din Niya na ipagdiwang ang kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso. Bagamat nakaranas si Santa Margarita Maria Alacoque ng pang-uusig at mga panghuhusga dahil sa pagpapakitang ito ni Hesus, siya ay nanatili pa ring tapat na tagasunod nito.
Tulad ni Santa Margarita Maria Alacoque, tayo rin ay inaanyayahang sumampalataya sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Sa ating paglapit sa Kanya, maaari tayong hamakin ng ibang tao. Kung minsan ay pinagtatawanan tayo dahil sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos o paninindigan para sa katotohanan. Ngunit huwag tayong magsawa sapagkat may mabuting gantimpala si Hesus sa mga taong tapat na sumusunod sa Kanya. Pangako ni Hesus na ipagkakaloob Niya ang mga kinakailangang grasya sa mga taong sumasampalataya sa Kanya. Hilingin natin ang panalangin ni Santa Margarita Maria Alacoque upang matularan natin siya.
Santa Margarita Maria Alacoque, ipanalangin mo kami.