Si San Pablo ng Krus ay isinilang sa Ovada sa Italya. Siya’y nakatanggap ng isang pangitain at itinatag niya ang kongregasyon ng Pasyon ni Hesus. Kilala sila sa tawag mga “Passionists”. Siya ay naging isang mangangaral. Inakay niya ang mga taong matitigas ang puso. Sa pangangaral niya, kahit ang mga sundalo ay nakitang umiiyak. Sa isang pagkakataon, iniwan siya ng lahat ng kasapi niya sa orden. Noong taong 1741, ang kanyang pamamahala ay inaprubahan ni Papa Benedicto XIV. Noon din, ang kongregasyon ay nagsimulang lumago muli.
Sa pagmumuni-muni ni San Pablo ng Krus sa larawan ni Hesus na nakapako sa krus, nakakuha siya ng mga biyaya at birtud. Dito niya nakuha ang kalakasan upang maging ama at tagapagbigay batas ng kongregasyon. Pinapayuhan tayo ni San Pablo ng Krus na huwag tayong tatalikod sa pananalangin anuman ang mangyari. Dito natin makakamtan ang kalakasan sa pagharap natin at pagpasan ng krus. Ang pananalangin at pagbaling ng ating tingin kay Hesus na nakapako ang nagpapalakas sa atin. Dito rin umiigting ang ating mga birtud at mabubuting gawa. Tayo’y magkaroon ng tahimik na oras at iwanan natin ang ating sarili kay Hesus. Tanggapin natin ang lahat ng mga krus at patuloy na yakapin ito sa pamamagitan ng pagdarasal. Sa ating pananalangin at pagpasan ng ating krus, dito tayo napapanibago at napapabanal. Dapat tayong magalak kapag tayo ay dumaranas ng mga pagsubok. Hindi dahil sa ito ay mahirap pasanin kundi dito natin makakamtan ang biyaya at aral na nais sabihin ng Diyos sa atin. Huwag nating talikuran ang pananalangin at patuloy na kumapit kay Hesus sa ating pagdurusa. Kung walang pagdurusa, hindi tayo makapagbabago. Kung walang Krus, hindi natin makakasama si Hesus.
San Pablo ng Krus, ipanalangin mo kami.