MABUTING BALITA
Marcos 10, 35-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, at ang sabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano iyon?” tanong ni Hesus. Sumagot sila, “Sana’y makaupo kami katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa binyag na daranasin ko?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y babatahin nga ninyo, at kayo’y bibinyagan sa binyag na daranasin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan.”
Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Natunghayan natin sa ebanghelyo ngayong Linggo na humihingi sina Santiago at Juan ng posisyon mula kay Hesus. Sa mga panahon na iyon, hindi pa nila nauunawaan na hindi makamundong paghahari ang dala ni Hesus. Inaasahan nila marahil na mapalaya ang Israel mula sa kamay ng mananakop na Romano ngunit ang pagliligtas ni Hesus ay sa kasalanan at kamatayan, at higit itong mahalaga sa lahat. Sa ganito ring paraan, maraming beses na maari tayong mabulag sa pagkamit ng kapangyarihan, karangyaan at kantanyagan sa mundo sa loob man ng simbahan o sa labas. Ito ang sinasabi ni Hesus na iwaksi natin dahil ang mga ganitong pansariling hangarin ay sa puso nagmumula. Ang puso na kung saan dapat si Hesus ang nagmamay-ari at naghahari. Kung ganito nga na si Hesus ang sentro ng ating puso, kahit anong yaman o posisyon ang nasa ating harapan, mananaig pa rin ang pagsisilbi, pagbibigay at pagsasakripisyo para sa kapwa hindi ang paggamit ng mga pribilehiyo para sumikat at iangat ang sarili. Ang tunay na naglilingkod ay Diyos lalo ang pinararangalan, hindi ang sarili. Manalangin tayo sa Diyos na bigyan tayo ng tunay na kababaang-loob. Amen. +