Ginugunita natin ngayon ang kapistahan ni San Lucas, manunulat ng Mabuting Balita. Siya ang ika-apat na may-akda ng ebanghelyo. Kinilala siya bilang minamahal na manggagamot ni San Pablo at pinakamatalino sa mga apostol. Isinulat niya ang Ebanghelyo ayon kay San Lucas at Ang Gawa ng Mga Apostol.
Sa apat na ebanghelyo, pinahalagahan ni San Lucas ang mga mahihirap. Mababasa natin sa kanyang sulat ang walong Mapapalad at ang talinhaga ng Mabuting Samaritano. Mababasa rin natin sa kanyang ebanghelyo kung paano pinuri ni Hesus ang pananampalataya ng isang balo na taga-Sarepta (Lucas 4:25-27). Narinig din natin ang kuwento ng sampung ketongin na pinagaling ni Hesus at pagpuri ng isang ketongin na pinagaling (Lucas 17: 11-19).
Sa pagninilay sa kapistahan ni San Lucas, bagama’t hindi siya kasama sa labindalawang apostol, siya naman ay kumilos kasama nila. Tulad ni San Lucas, tayo man ay hindi kabilang sa anumang organisasyon, mayroon tayong dapat gampanan para sa ikadarakila ng Diyos. Maraming paraan kung paano natin mapaglilingkuran ang ating Diyos sa pamamagitan ng ating kapwa. Pakainin natin ang mga nagugutom, painumin ang mga nauuhaw, at pahalagahan ang mga mahihirap tulad ng ginawa ni San Lucas. Kung tayo ay handang sumunod sa Kanya, malaki ang ating maitutulong sa Kanyang misyon ng pagliligtas. Ang biyaya na ibinibigay ng Diyos sa atin ay hindi lamang para sa iilan, kundi para sa lahat. Magagawa natin ang lahat ng bagay sa tulong ng Kanyang biyaya. Iba-iba man ang ating pinagkakaabalahan sa buhay, gawin natin ang lahat ng ito para sa ikadarakila ng Diyos. Dapat tayong maging tapat sa ating tungkulin at mga gampanin dito sa mundo. Tulad ni San Lucas, malaki ang kanyang ginampanan sa ating pananampalatayang Kristiyano. Tularan natin siya at higit na mas pahalagahan natin ang ating misyon at responsibilidad sa pananampalatayang Kristiyano.
San Lucas, ipanalangin mo kami.