Si San Ignacio ng Antioquia ay isinilang sa Syria. Siya ay nagpabinyag bilang Kristiyano at kalaunan ay naging obispo ng Antioquia. Nagkaroon ng pag-uusig sa mga Kristiyano noong taong 107. Pinapili sila ni Emperor Trajan kung tatalikuran ang pananampalataya upang mabuhay o sila ay papatayin. Mas pinili ni San Ignacio ang kamatayan kasama ang iba pang mga Kristiyano. Sila ay ipinakain sa mga leon sa Roma.
Bilang Kristiyano, tayo rin ay dumaraan sa mga pag-uusig. Bagamat walang emperor na nagbabanta sa atin, pero patuloy pa rin nating tinatalikuran ang Diyos at pananampalataya. Tinatalikuran natin ito kapag mas pinipili nating pumanig sa mga bagay na taliwas sa turo ng Simbahan gaya ng pagsang-ayon sa abortion, paggamit ng contraceptives, same sex marriage, o divorce. Matuto nawa tayong magsakripisyo para sa tama at mabuti. Tulad ni San Ignacio ng Antioquia, sana ay mas piliin nating manindigan para sa Diyos at pananampalataya, kahit na ang maging kapalit nito ay ang ating sariling buhay.
San Ignacio ng Antioquia, ipanalangin mo kami!