Si San Antonio ng Padua ay ipinanganak noong taong 1195 sa Lisbon, Portugal, labintatlong taon pagkatapos ipanganak si San Francisco ng Assisi. Ang kanyang mga magulang ay sina Martin at Maria Bulhom. Siya ay bininyagan sa pangalang Fernando Martins de Bulhom at siya ay lumaki sa marangya at maringal na pamilya.
Maraming mga tao ang lumalapit kay San Antonio bilang tagahanap ng nawawalang bagay. Ayon sa kuwento, ang kanyang paboritong aklat na naglalaman ng mga personal na tala at komento ay ninakaw ng isang baguhan. Makatutulong ang laman ng aklat para sa orden ng Pransiskano. Nanalangin si San Antonio at hindi nagtagal, ibinalik ng baguhan sa orden ang aklat.
Si San Antonio ay ang tumawag sa mga tao pabalik sa pananampalataya. Nagkamit siya ng pamagat na “Martilyo ng mga Erehe”. Sa kanyang kanonisasyon noong 1231, binanggit siya ni Papa Gregorio IX bilang “Repositoryo ng Banal na Kasulatan”. Noong 1946, idineklara si San Antonio bilang Pantas ng Simbahan.
Bagama’t nabuhay lamang si San Antonio sa loob ng tatlumpu’t anim na taon, ginamit siya ng Diyos sa makapangyarihang paraan. Ang isang makabuluhan at kalidad na buhay ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Natanggap ni San Antonio ang isang buhay na puno ng grasya at biyaya dahil sa kanyang buong pusong pag-aalay sa Diyos. Kadalasan, hinahangad natin ang isang buhay na mahaba kaysa sa buhay na banal. Gayunpaman, maraming dakilang santo, kabilang na si San Antonio ang nabuhay lamang ng maikli. Tandaan natin na nais ng Diyos na gugulin natin ang ating buhay para sa paglago sa kabanalan at pagsunod sa Kanya. Ang paggawa nito ang siyang nagbibigay sa atin ng isang kalidad at mas higit pa sa isang mahabang buhay.
Sa pag-ibig ni San Antonio sa Salita ng Diyos at sa kanyang pagsisikap na maunawaan ito, lalo natin siyang tularan. Habang binabanggit ang panalangin sa kanyang kapistahan, nais ng Simbahan na matuto tayo sa kanya. Maging banal, mapagpakumbaba, at walang ibang ginagawa kundi ang kalooban ng Diyos para sa ikabubuti ng lahat.
Ipinagdiriwang ng ating mga kapatid sa Brgy. Kalumpang ang Kapistahan ni San Antonio ng Padua. Viva! Maligayang Kapistahan po ni Tata Tonio!