MABUTING BALITA
Marcos 4, 26-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.
“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”
Ang Salita’y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Hindi madaling makita ang gawa ng Diyos gamit ang ating mga mata. Kailangang gamit natin ang mata ng pananalig. Madalas naihahambing ang paghahari ng Diyos sa butil ng mustasa na itinatanim sa dilim tapos biglang lalago. Sa gayunding paraan, tayo rin ay lalago sa mga madidilim na bahagi ng ating buhay. Kung saan may pagsubok, doon tayo matututo sa paraang hindi natin magagawa kung ang lahat ay nasa ayos lang. Kung saan may kaguluhan, doon masusubok ang pagiging anak ng Diyos dahil ang tunay na Kristiyano’y laging naghahatid ng kapayapaan sa iba, hindi ng mas marami pang hidwaan.
Ang butil ay tumutubo at lumalago lamang kung ito’y nakatanim sa dilim at tinatanggap ang tubig, hangin at ang mga bitaminang kailangan nito para lumago. Para sa atin, ito ang mga sakramento gaya ng kumpisal, Banal na Misa, pananalangin, pakikinig at paggawa ng Salita ng Diyos. Ang dilim ay maaring maging lugar upang magkaroon tayo ng mas matibay na pundasyon sa Diyos sa pamamagitan ng mga ito. Magiging sayang kung maghihirap tayo sa buhay nang mag-isa at nawawala ang mga sandata na ito. Ang Diyos ay kumikilos sa mga paraang hindi natin nakikita agad. Ang pananalangin ang makakapagpatibay ng ating pananalig sa Kanya kapag kailangan natin ng masasandalan at kasiguraduhan sa buhay kung saan laging may nagbabago. Matapos ay bigla na lamang natin matutunghayan ang gawa ng Diyos na ating inasahan at pinaniwalaan kahit pa tayo’y nasa dilim. Iyon ang tunay na pananampalataya sa Kanya.