Hunyo 9, 2024
MABUTING BALITA
Marcos 3, 20-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”
Sinabi naman ng mga eskribang dumating mula sa Jerusalem, “Inaalihan siya ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. Ito ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo!” Kaya’t pinapalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga: “Paano mangyayaring palayasin ni Satanas si Satanas?” Kapag naglaban-laban ang nasasakupan ng isang kaharian, hindi mananatili ang kahariang iyon. At kapag naglaban-laban ang magkakasambahay, hindi mananatili ang sambahayang iyon. Gayun din naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at naglaban-laban ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas.
“Walang makapapasok sa bahay ng isang taong malakas at makaaagaw ng kanyang ari-arian, malibang gapusin muna niya ang taong iyon. Saka pa lamang niya malolooban ang bahay na iyon.
“Tandaan ninyo ito: maaaring ipatawad sa mga tao ang lahat ng kasalanan at panlalait nila sa Diyos, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapatatawad. Ang kanyang kasalanan ay hindi mapapawi kailanman.” Sinabi ito ni Hesus sapagkat ang sabi ng ilan, “Inaalihan siya ng masamang espiritu.”
Dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus. Sila’y nasa labas ng bahay at ipinatawag siya. Noon nama’y maraming taong nakaupo sa palibot ni Hesus, at may nagsabi sa kanya, “Nariyan po sa labas ang inyong ina at mga kapatid; ipinatatawag kayo.” “Sino ang aking ina at mga kapatid?” ani Hesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot niya at nagwika: “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos; ay siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Noong nabubuhay pa ang Panginoon dito sa mundo bilang Tao, puro mabubuti ang Kanyang ginawa. Sa kabila nito, inakusahan pa rin Siya na inaalihan ng diablo at mula raw sa Masama ang Kanyang kapangyarihan. Ganito nga ang mangyayari kung hindi na marunong manalangin ang tao sa Diyos at magsuri sa katahimikan ng sarili kung ano ang tama o mali.
Nakakatakot kung dumating sa punto na mapagkamalan nating masama ang iyon palang tama at banal at ituring naman na tama ang iyon palang sa diablo. Sa dami ng usapan ngayon at hidwaan sa pagitan ng mga Katoliko, may panahon ba ang bawat isa upang magsuri at magsaliksik kung ano talaga ang totoo base sa katuruan ng Diyos? Tandaan, ang nakasalaysay dito ay ang buhay na dapat ay walang hanggan. Sa mga taong pumapanig sa mali at masama, walang ganoon dahil sila mismo ang tumanggi sa Diyos at nagtapon sa magandang relasyong iniaalay Niya para sa lahat.
Magsaliksik tayo nang mabuti. Alamin natin ang katuruan ng Diyos na nasa iisang Simbahang Kanyang itinatag. Huwag tayong makontento sa mga naririnig at nababasa ng mga tila eksperto. May iisang turo ang Diyos na totoo tungkol sa diborsiyo, aborsyon, same-sex relationships, euthanasia, death penalty at marami pang mga bagay ukol sa moralidad. Nawa’y malaman at paniwalaan natin ang iisang katotohanang ito mula sa Diyos. Kapag Diyos ang ating hinahanapan ng sagot at sinamahan natin ng tiwala sa Kanya at kababaang-loob, tiyak mahahanap natin ang katotohanan at magkakaroon ng kaligtasan para sa ating mga kaluluwa.