MABUTING BALITA
Marcos 8, 27-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako? tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Pinalapit ni Hesus ang mga tao, pati ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Kahapon lamang ay ipinagdiwang ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal. Ngayon naman sa ating ebanghelyo ay inaanyayahan tayo ni Hesus na pasanin ang kanya-kanya nating krus. Ano ang krus sa iyong buhay? Habang naririto tayo sa mundo, bahagi ito ng ating pagdaraanan, ngunit sa bawat pagpasan ng mga suliranin, ang tunay na nananalig sa Diyos ay hindi magagapi. Sa halip, lalo siyang magiging malinis ang puso, malapit sa Diyos, mas mabuti at mas banal. Kapag nalampasan ang mga pagsubok, doon tayo mas natututo sa buhay. Kailangan ang mga pagpapadalisay na ito upang maging handa tayo para sa Langit dahil hindi tayo nakalaan para mamuhay dito sa lupa habang panahon. Nakalaan tayong makasama ng Diyos sa Langit subalit ang daan ay Krus. Ang ating krus ay dapat pasanin sa pamamagitan ng tulong ni Hesus na makakamtan sa ating pagsisikap sa pananalangin at pagtanggap sa mga sakramentong nagpapabanal sa atin. Amen. +