Ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing ika-14 ng Setyembre ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal.
Para sa mga Romano, ang pagpako sa krus ang pinakamatinding parusa para sa mga kriminal at mga rebelde. Kapag ang isang tao ay ipinako sa krus, para bang inalis na rin sa kanya ang lahat ng dangal niya bilang tao. Ngunit lahat ng ito ay nagbago noong si Hesus ay ipinako sa krus. Dahil sa isang mahiwagang paraan, ang kamatayan ni Hesus sa krus ay isang "pagtubos," naging daan ng pagpapatawad, daluyan ng grasya, at bukal ng buhay. Ang dating krus ng karahasan at kamatayan, ngayon ay naging krus ng kapayapaan, kapatawaran, at kaligtasan. Ang dating krus ng pagkabigo ay naging krus ng tagumpay. Ang krus na dating tanda ng katapusan ay naging hudyat ng simula - ng bagong buhay, ng bagong pag-asa. Ang krus na dati ay tanda ng kahihiyan ay naging krus na dapat ikarangal at dapat itampok! Ang dahilan ng lahat ng ito ay ang dakilang pag-ibig at awa ng Diyos para sa mga makasalanan.
Sa ebanghelyo ngayon ay sinabi ni Hesus: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlinutan kaya't ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak." (Juan 3:16) Wagas ang pagmamahal sa atin ng Ama kaya isinugo Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak na si Hesus. Ipinakita naman ni Hesus ang Kanyang wagas na pag-ibig nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus.
Hinahamon tayo ng kapistahang ito upang magmahal din katulad ng Diyos - isang pagmamahal na nagsasakripisyo at handang ibigay ang lahat lahat para sa kabutihan ng minamahal. Tinuturuan tayo ng krus kung paano magmahal ng walang pasubali. Nawa sa bawat pagtingin natin sa krusipiho ay marinig natin ang tinig ni Hesus: "Inialay Ko ang Aking buhay para sa iyo upang malaman mo kung gaano Kita kamahal. Kaya mo rin bang ialay ang iyong buhay para sa Akin at sa iyong kapwa?"