Matapos nating ipagdiwang kahapon ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay ipinagdiriwang naman natin ngayong ika-15 ng Setyembre ang Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati. Kilala rin sa tawag na Virgen Dolorosa, ang titulong ito ni Maria ay nagpapakita ng kanyang hapis dahil sa pagkapako at pagkamatay ni Hesus sa krus.
Ang pagiging Ina ng Diyos ay hindi nangangahulugan ng madaling buhay. Batid ni Maria na maraming paghihirap ang pagdadaanan niya. Ngunit hindi ito naging dahilan para talikuran niya ang misyon na ibinigay sa kanya ng Diyos. Bagamat mahirap at hindi malinaw ang lahat, patuloy pa rin siya sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya maituturing si Maria bilang pinakamagandang halimbawa ng katapatan.
Tayo rin ay may sari-sariling krus at hirap sa buhay. Sa kabila ng mga ito, sana ay hindi tayo tumigil sa pagsunod sa Diyos katulad ng ginawa ng Mahal na Birheng Maria. Nawa ang mga dalamhating nararanasan natin ang lalong maglapit sa atin sa Diyos at magpatibay sa ating pananampalataya sa Kanya. Manalig tayo na ang plano ng Diyos ay laging mas mabuti kaysa sa ating mga plano. Ang kabutihan natin ang laging hangad ng Diyos.