PAGNINILAY SA MABUTING BALITA | Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat
Marga de Jesus | OLA Social Communications

Pagdiriwang din ng Kapistahan ng Nuestra Señora delos Desamparados | Sa huli, tulad ni Hesus, hindi man tayo literal na aakyat sa Langit gaya Niya o tulad ni Maria na iniakyat ng Diyos sa Langit dahil sa Kanyang pagkawalang sala, pupunta rin tayo doon.

Mayo 12, 2024.


MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-20
Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon: Napakita si Hesus sa Labing-isang alagad at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”

Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Sa ating ebanghelyo ngayon, umakyat na sa Langit ang Panginoon. Hudyat na ito na paparating na ang Espiritu Santo, ang Patnubay. Ang pagbaba ng Espiritu ng Diyos ay tinatawag din na Pentekostes dahil 50 araw ito matapos ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ito rin ang kaarawan ng Simbahan na ipagdiriwang sa susunod na Linggo, sa ika-19 ng Mayo. Ngayon din ay tinaguriang World Communication’s Day. Ipanalangin po natin na ang bawat isang Kristiyano at ang lahat ng mga nagsisilbi lalo sa Simbahan ay maging instrumentong tapaghatid ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng kanilang gawa at sariling buhay.

Ano ba ang kinalaman ng pag-akyat ni Hesus sa Langit sa ating buhay? Isa itong paalaala na sa Langit din ang ating huling destinasyon. Marami ang nagsasabi at mismong si Hesus din ay sinabi ito na nasusulat sa Bibliya, na lahat tayo ay may kanya-kanyang krus sa buhay. Dapat natin itong pasanin. Sa pagpasan natin ng mga suliranin sa buhay at sa pag-aalay ng mga ito sa Diyos, nakikiisa tayo sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Kapag napagdaanan natin ito, ito naman ay ang karanasan na maihahalintulad sa Muling Pagkabuhay.

Kapag tayo’y patuloy na nagdarasal at nagtitiwala sa Diyos, lumalabas tayo mula sa pagsubok nang mas may karunungan, mas matatag, mas mababa ang loob at mas maingat na huwag nang magkasala o magkamali pa sa hinaharap. Ang ating paghihirap ay maaring maging daan upang tayo’y maging banal at mas mapagmahal.


Sa huli, tulad ni Hesus, hindi man tayo literal na aakyat sa Langit gaya Niya o tulad ni Maria na iniakyat ng Diyos sa Langit dahil sa Kanyang pagkawalang sala, pupunta rin tayo doon. Dahil ang huling destinasyon pala natin ay Langit, ang buhay naman natin dito sa mundo ay isang paghahanda lamang para doon.
Ang paghahandang ito ay tulad din ng ginawa ni Hesus - ang tumulong sa kapwa, mangaral ng Mabuting Balita sa salita at sa gawa, magpatawad, at palaging magmahal.

Kung naniniwala tayo at tatandaan natin na hindi dito ang ating permanenteng tahanan, tulad ni Hesus, mas magiging madali sa ating iwananan ang anumang nakakabalakid sa ating tunay na debosyon, pagsunod at pagtugon sa gusto ng Diyos na gawin natin sapagkat wala na tayong kinatatakutang maiwan. Ang ating mga mata ay nakatuon sa pupuntahang Langit at kung ano ang ating kailangan upang makarating doon. Misyon nating maging tulad ni Hesus, maging mukha ni Hesus sa iba na nagmamahal, nagpapatawad at tumulong nang hindi nanghihingi ng kapalit. Ito ang pagiging tunay na anak ng Diyos na karapatdapat na makamana ng Kaharian ng Diyos sa Langit.

PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.

By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: