Natatangi ang Pilipinas pagdating sa iba’t ibang paraan ng pagpapakita ng marubdob na pananampalataya na nag-uugnay sa Diyos at mga tao. Isa sa mga ito ang pagkakaroon ng malalim na debosyon sa isang banal, partikular na sa Mahal na Birheng Maria. Isa ang Pilipinas sa mga tanyag na bansang may malalim na debosyon at pamimintuho sa Ina ng Diyos, dahilan upang maturingan ang Pilipinas bilang “Bayang Sumisinta kay Maria”. Sa Lungsod ng Marikina, isang natatanging debosyon ang ipinagdiriwang tuwing ikalawang Linggo ng Mayo kasabay ang Araw ng mga Ina; ang Nuestra Señora de Los Desamparados de Marikina.
Ang Birhen ng Marikina, Nuestra Señora de Los Desamparados, na kilala rin sa taguring na “Mama OLA” o “Nanay OLA” ay isa sa maituturing na may pinakadakilang kasaysayan pagdating sa debosyon. Ika nga, hindi lehitimong taga-Marikina kung hindi kilala ang Birhen ng Marikina. Malaki ang ginagampanan ng Mahal na Ina sa Lungsod ng Marikina lalo na sa pananampalataya magmula noon at magpahanggang ngayon. Samu’t saring kwento ng himala at panalanging dininig ng Mahal na Ina ang maidurugtong sa kan’yang titulo na wari ba’y isang inang umaagapay at gumagabay sa kan’yang mga anak.
Nagsimula ang Marikeñong debosyon sa Nuestra Señora de Los Desamparados nang dumating ang unang imahen noong 1717 sa pamamagitan ng isang Pransiskanong pari. Ayon sa kasaysayang naitala, walang tiyak na paliwanag kung paanong nakarating ang imahen sa Lungsod. Dahil sa digmaang namagitan sa mga Pilipino at Amerikano, natupok ng apoy ang naturang imahen at noong 1902, sa pamamagitan ng isang kapatirang nakabase sa Parokya, Hermanos de La Mesa del Santisimo Rosario, ipinagawa ang isang imaheng natatangi na magpahanggang ngayon ay natatampok sa Dambana at Parokya. Taong 2005 nang makatanggap ang imahen ng Koronasyong Pontipikal na tanging Santo Papa lamang ang nakapagbibigay bilang pagkilala, hindi lamang sa mga himalang maiuugnay sa Mahal na Birheng Maria ngunit pati na rin sa mayabong na debosyong inihahandog ng sambayanan, partikular na ng mga Marikeño.
Magpahanggang ngayon, patuloy na namamayagpag ang malalim na debosyong iniaalay na bawat mananampalataya sa Birhen ng Marikina. Tuwing kapistahan, isang sayaw ang iniaalay sa kan’ya bilang pagpapakita ng pasasalamat at pamimintuho; ang Lerion. Taunan din ang isinasagawang nobena para sa kan’yang kapistahan, kasabay ng iba pang mga aktibidades na handog sa kan’yang karangalan.
Lumipas man ang panahon, anuman ang dagok na dumaan sa Lungsod, sakuna man o isyung panlipunan na humahamon sa lahat, nanatiling matatag ang sambayanang Marikeño, kaisa at kasama ang Mahal na Birheng Maria, ang Marilag at Mapag-ampong Ina ng Marikina na patuloy na umaantabay at gumagabay sa kan’yang anak na bayan.