Mayo 5, 2024.
MABUTING BALITA
Juan 15, 9-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon.
Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Sa ating ebanghelyo ngayon ay inutos ni Hesus na tayo ay magmahalan. Kung ang pag-ibig ay isa lamang pakiramdam, bakit pa ito kailangang iutos? Ito ay dahil hindi naman isang pakiramdam lang ang pag-ibig. Ito ay isang desisyon.
Pinipili nating umibig. Sa katunayan nga, kaya rin nating ibigin ang ating kaaway at mga taong ayaw sa atin. Ganito nga ang ginawa ng Diyos sa atin na bagamat tayo ay mga taong nakasakit sa Kanya dahil sa ating pagkakasala, patuloy pa rin Niya tayong pinatatawad. Gusto pa rin ng Diyos ang pinakamabuti at pinakamainam para sa atin kahit hindi tayo karapatdapat dito. Sa ganoon ding paraan, maari tayong magmahal ng kapwa kahit hindi maganda ang ating pakiramdam sa kanila. Ang pagmamahal na ito ay makikita sa pagpapatawad natin sa iba at sa ating pananalangin dahil hangarin natin na mapabuti sila. Ito ay pag-ibig na. Hindi dapat tayo alipin ng ating galit, pangamba o takot. Diyos ang tutulong sa atin para magawa ito dahil hindi ito posible kung sariling lakas lamang ang gagamitin natin.
Madaling magmahal kung pawang maganda at matiwasay lang ang relasyon natin sa tao. Masusubok ang ating pag-ibig kahit mahirap nang mahalin ang tao subalit ganito pa rin ang utos ng Diyos. Pinili Niya tayo at hinarang upang magmahal. Kaya minsan, kahit masakit ang magmahal dahil kailangan ng sakripisyo, dito pa rin natin nararamdaman na tayo ay buhay. Ang taong takot magmahal na ayaw magbigay ng sarili dahil sa takot na ito ay nananatiling patay. Ang Diyos na Siyang Pag-ibig ang bumubuhay sa atin. Ang Pag-ibig din na ito na nasa atin at binibigay sa iba ang ating magiging daan sa Langit, hindi ang galit, pagmamataas o anumang materyal na bagay.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.