Si San Juan Crisostomo ay ipinanganak noong taong 349 AD sa Antioch (ngayon ay bahagi ng Turkey). Nakatanggap siya ng edukasyon sa retorika at pilosopiya noong kabataan niya. Pagsapit niya ng edad na 30, siya ay bininyagan at naging kristiyano. Kalaunan ay naging monghe at inilaan niya ang kanyang sarili sa payak na pamumuhay at pananalangin.
Itinuturing bilang pantas ng Simbahan si San Juan Crisostomo dahil sa husay at yaman ng kanyang mga isinulat at ipinangaral. Ang kanyang pangalan, na nangangahulugang "Gintong Bibig" sa wikang Griyego, ay sumasalamin sa kanyang kahusayan bilang tagapagsalita. Tulad ni San Juan Crisostomo, tayo rin ay may misyon upang ipahayag ang Mabuting Balita. Kung minsan ay kinakailangan nating magsalita, ngunit sa mas maraming pagkakataon ay iniimbitahan tayong magpahayag sa pamamagitan ng ating buhay, pagkilos at pananalita. Sa tulong ng halimbawa ni San Juan Crisostomo, maitaguyod nawa natin ang kapakanan ng mga mahihirap at inaapi sa ating lipunan. Tuligsain at itama natin ang mga kamalian sa ating lipunan. Matuto tayong tumindig para sa katotohanan.
Ang kapistahan ni San Juan Crisostomo ay ipinagdiriwang tuwing ika-13 ng Setyembre. Siya ang patron ng mga mananalumpati, mangangaral, at tagapagsalita.
San Juan Crisostomo, ipanalangin mo kami.