Maligayang paggunita kay San Juan de la Cruz, pari at antas ng Simbahan. Sa mga kasulatan ni San Juan de la Cruz, ang nais niya ay malaman ng makakabasa ang sikreto upang maging kaisa ang Diyos, na makamit ang tinatawag sa ingles na “Divine Union.” Ngunit, ano nga ba ang sikreto dito? Ito ay walang iba kundi ang purong pag-ibig. Pumasok si San Juan de la Cruz sa pagiging isang “Carmelite” ngunit nang malapit na siyang maordinahan, iniisip niya ang lumipat sa “Carthusians” upang mamuhay ng mas tahimik at mas makapagbigay ng maraming oras sa panalangin sapagkat hindi niya nagugustuhan ang ilang pagbabago na nangyayari sa “Carmelite Order.” Nagbago ito noong nakilala niya si Santa Teresa ng Avila, isa ring “Carmelite” na naging direktor niya sa ispirituwal na buhay at nagtulong sila upang magkaroon ng reporma sa orden kung saan makabalik sila sa orihinal na intensyon nito ng pakikiisa sa Diyos. Gayunpaman, may mga tao sa kanilang grupo na hindi suportado sa pagbabago na tinatatag nila kaya siya ay ikinulong at inabuso. Binigyan lamang siya ng kaunting pagkain, hindi binigyan ng damit at tiniis niya ang matinding temperatura sa panahon ng tag-init at tag-lamig. Gayunpaman, sa kanyang pagdurusa ay doon pa lumalim ang kanyang pag-ibig sa Diyos na tumulong sa kanya upang maging instrumento sa ibang tao matapos na siya ay makaalis sa kanyang kulungan.
Ang purong pag-ibig ay ang pagmamahal sa Diyos, hindi dahil sa may nakukuha tayo sa Kanya, kundi dahil ito ang kalooban ng Diyos at nakalulugod sa Kanya. Kaya ang tunay na pag-ibig ay makikita kung nanatili ang pagdarasal, pagtitiwala sa Diyos at paggawa ng kabutihan sa kabila ng pagsubok na nararanasan natin. Madali lang mahalin ang Diyos kung lahat ay nagaganap ayon sa kagustuhan natin ngunit paano kung hindi na? Hindi ibig sabihin nito na walang pag-ibig ang iba sa Diyos kundi nangangahulugan ito na marami pang bagay na kailangan linisin sa ating puso. Ito ay upang matutunan natin na gawin ang tama sa kabila ng pagdurusa natin dahil ang ating motibasyon sa pag-ibig sa Diyos ay ang Kanyang kalooban, hindi ang sariling kaginhawaan. Ganoon din, tinuturo ni San Juan de la Cruz na ang taong pinakamasaya sa mundo ay ang taong binigay ang kanyang buong buhay sa ating Panginoon upang makamit ang “Divine Union.” Kung nais nating ibigay ang sarili sa Diyos, marapat na matutuhan muna nating iwasan ang mga bagay na nagiging hadlang dito. Maaaring ito ay ang paggamit ng social media, panunuod ng ilang palabas, paggagala at iba pang aktibidad na hindi naman nakatutulong upang mapalapit tayo sa Diyos at nagiging hadlang pa sa oras ng panalangin. Kung ibibigay natin ang oras sa mga panandaliang aliw sa atin, mahihirapan tayo makita ang kasiyahan na makukuha lamang natin sa Diyos at hihina ang ating depensa mula sa tukso ng demonyo dahil makikita ng demonyo na lagi tayo nagpapadala sa iba’t ibang “pleasures.” Kaya ayon kay San Juan de la Cruz, kung sa mga maliliit na bagay ay nagpapadala tayo sa mga panandaliang aliw, magiging mahirap sa atin na labanan ang mga tukso na magkasala lalo na ang temptasyon ng demonyo ay laging may kaakibat na panandaliang aliw. Nawa’y pagnilayan natin kung ano ang inspirasyon at mensahe ng Diyos sa atin upang makita natin, sa pamamagitan ng Kanyang grasya, kung ano ang kailangan nating iwan sa mundong ito at kung paano natin mas mabibigyan ng oras ang Diyos na kasama natin sa kada segundo ng ating buhay.
San Juan de la Cruz, ipanalangin mo kami.