Noong ika-9 ng Disyembre, 1531, ang katutubong magsasaka na si Juan Diego ay naglalakad sa Burol ng Tepeyac sa Mexico. Siya ay papuntang simbahan noong oras na iyon. Doon ay nagpakita sa kanya ang isang magandang babae. Itob ay nagpakilala bilang ang Ina ng Diyos. Inutusan niya si Juan Diego na iparating sa Arsobispo ng Mexico, si Fray Juan de Zumárraga, na dapat magtayo ng isang simbahan sa Burol ng Tepeyac upang magbigay-pugay sa kanya bilang Birhen ng Guadalupe.
Hindi agad pinaniwalaan ng Arsobispo si Juan Diego. Kaya bumalik siya sa Burol ng Tepeyac upang iparating sa Mahal na Birhen ang sinabi ng Arsobispo. Sa muling pagpapakita ng Mahal na Birhen, sinabi niya kay Juan Diego na maghanap ito ng mga rosas. Imposibleng may tumubong mga rosas noon sapagkat ito ay panahon ng taglamig, ngunit sa himala ng Diyos ay nakakita si Juan Diego. Nang magbalik si Juan Diego sa Arsobispo, laking gulat ng lahat nang makita nilang may nakaimprentang imahen ng Birhen ng Guadalupe sa tilma o balabal ni Juan Diego kung saan inilagay ang mga rosas.
Sa pamamagitan ng himalang ito, naniwala ang Arsobispo at ang buong komunidad sa mensahe ng Mahal na Birhen. Nagsimula ang pagpapalaganap ng Katolisismo sa mga katutubong tao ng Mexico at sa buong Latin America. Noong 1935, Idineklara ni Papa Pio XI ang Birhen ng Guadalupe bilang makalangit na Patrona ng Pilipinas.
Sa pagdiriwang natin ng kapistahang ito, tularan nawa natin ang Mahal na Birhen. Siya ay sumunod sa utos ng Diyos na maging Ina ni Hesus kahit na hindi niya lubusang nauunawaan ang mangyayari. Ito rin ang ipinakitang halimbawa ni Juan Diego nang siya ay sumunod sa ipinagagawa ng Mahal na Birhen kahit na may iba pa siyang alalahanin sa buhay. Upang magawa ito, kailangan natin ng malaking pagtitiwala sa Diyos. Tandaan natin na mahal tayo ng Diyos at hindi tayo kailanman mapapahamak sa pagsunod sa Kanyang kalooban. Kaya patuloy nating hilingin ang panalangin ni San Juan Diego at ng Mahal na Birhen ng Guadalupe upang magkaroon ng ganap na tiwala at pagsunod sa Diyos.
Mahal na Birhen ng Guadalupe, ipanalangin mo kami!
San Juan Diego, ipanalangin mo kami!