“MAGALAK KA!” | Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Marga de Jesus | OLA Social Communications

Sa ebanghelyo natin ngayon, tinuturuan tayo ni San Juan Bautista na magbigay sa mga hindi natin kakilala - doon sa mga hindi tayo mabibigyan pabalik. Sila rin ay kasama sa panahon ng Kapaskuhan. Sila rin ay mahal ng Diyos, inaanyayahan din tayong mahalin at bigyan sila ngayon.

Disyembre 15, 2024


MABUTING BALITA
Lucas 3, 10-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Tinanong si Juan Bautista ng mga tao, “Kung gayun, ano po ang dapat naming gawin?” “Kung mayroon kang dalawang baro, bigyan mo ng isa ang wala. Ganyan din ang gawin ng mga may pagkain,” tugon niya. Dumating din ang mga publikano upang pabinyag at itinanong nila sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya, “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin.” Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, ano naman ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo; masiyahan kayo sa inyong sahod,” sagot niya.

Naghahari sa mga tao ang pananabik sa pagdating ng Mesiyas at ang akala ng marami’y si Juan ang kanilang hinihintay. Kaya’t sinabi ni Juan sa kanila, “Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa sa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Hawak niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya ang trigo sa kanyang kamalig, ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Marami pang bagay ang ipinangaral ni Juan sa mga tao sa kanyang paghahayag ng Mabuting Balita.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.



Pagninilay:

Magalak tayong lahat! Ang Linggo na ito ay tinatawag na “Gaudete Sunday” at ang kalimitang suot ng mga pari ay kulay rosas. Simbolo ito ng galak dahil nalalapit na ang pagdating ng Tagapagligtas na ipinagdiriwang sa panahon ng Kapaskuhan. Ang ibig sabihin ng Gaudete na wikang Latin ay “kagalakan”.


Ang pagdating ng pagliligtas ay may kaakibat na pagbibigayan. Nakaugalian na tuwing darating ang Pasko, nariyan na ang bigayan ng regalo, pera, at pagkain para sa mga kabi-kabilang handaan. Sa ebanghelyo natin ngayon, tinuturuan tayo ni San Juan Bautista na magbigay sa mga hindi natin kakilala - doon sa mga hindi tayo mabibigyan pabalik. Sila rin ay kasama sa panahon ng Kapaskuhan. Sila rin ay mahal ng Diyos, inaanyayahan din tayong mahalin at bigyan sila ngayon. Sana nga rin po kahit hindi Pasko ay magpatuloy ang pagbibigay mula sa kahit anong mayroon tayo. Kung mayroon tayong dalawang tinapay, ibigay natin ang isa sa walang makain. Kung mayroon tayong dalawang damit, ibigay natin ang isa sa walang maisuot. Iyan ang bilin ni San Juan. Kung ito ay iaalay ng may pag-ibig, ito’y magiging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi kailangang maging mayaman o maging Pasko bago tumulong. Isipin lamang natin ang mga mahihirap at walang wala at magpatulong sa Diyos na sila’y matulungan at magiging daluyan tayo ng grasya para sa kanila. Ito rin ang magiging daan natin sa Langit.


Ang pagdating sa atin ng Panginoon ay isa ring pananatili. Hindi naman talaga Siya umalis. Lagi Siyang naririto sa Banal na Sakramento. Siya ang puting tinapay na tinatanggap natin tuwing Banal na Komunyon na nagbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan. Ang magiging boses, kamay at paa Niya para tumulong sa mahihirap at walang wala ay tayo mismo na nananalig at tumatanggap sa Kanya. Amen. +


By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: