Pitong araw matapos ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, ginugunita naman natin ang kanyang pagka-reyna. Ito ay upang maalala natin at ipagdiwang ang gantimpala na ibinigay ng Diyos sa kanya noong siya’y kinoronahan upang maging Reyna ng Langit at ng Mundo matapos makapasok si Maria sa kaharian ng langit. Dahil sumusunod nang buong puso ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos, tinanggap niya ang misyon na magiging Ina ni Hesus at nating lahat.
Ang biyayang natanggap ni Maria ay hindi lamang para sa kanya kundi ito ay para sa ating lahat. Ang reyna sa kaharian ng Israel ay tagapamagitan sa mga tao at sa hari. Bilang Reyna ng langit, idinadalangin tayo ni Maria at dinudulog niya sa kanyang Anak ang ating mga dasal at hinaing. Ni minsan, hindi tinatanggihan ni Hesus si Maria sapagkat ganito ipinapakita ng ating Panginoon ang pagmamahal sa Kanyang Ina. Kung ninanais natin na mas mapalapit kay Hesukristo, nawa’y palalimin pa natin ang ating debosyon sa ating Mahal na Reyna. Maging taimtim tayo sa pagdarasal natin ng rosaryo at iba pang panalangin kay Maria. Higit sa lahat, sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birhen, sikapin natin iwasan ang mga tukso at tayo ay sumunod sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, makakapasok tayo sa kaharian ng langit dahil alam natin na hindi pababayaan ng ating Reyna at Ina ang kanyang mga anak.
O Maria, aming Reyna at Mahal na Ina, ipanalangin mo kami.