Bata pa lamang si Santa Rosa, nais na niyang maging madre. Madalas siyang nag-aayuno at nagdarasal. Araw-araw siyang nangongomunyon at dumadalaw sa Banal na Sakramento. Kilala rin siya sa kanyang labis na pagpepenitensiya. Si Santa Rosa ay napakaganda kaya marami ang naaakit sa kanya. Nais ng kanyang mga magulang na ipakasal siya ngunit hindi siya sang-ayon dito. Kaya pinuputol niya ang kanyang buhok at pinapahiran ang kanyang balat ng paminta at kalamansi upang hindi maging kaakit-akit ang kanyang kagandahan. Namuhay siya bilang Laykong Dominikano. Patuloy siyang namuhay sa pananalangin, pag-aayuno, at pagpepenitensya. Ipinagdiriwang ang kapistahan niya tuwing ika-23 ng Agosto.
Madalas iwaksi ng mga santo ang labis na pagkagumon sa mundo. Palagi silang nagsasakripisyo at nag-aayuno. Tulad ni Santa Rosa, siya’y nagpepenitensya hindi lamang tuwing Kuwaresma kundi sa araw-araw. Ginagawa niya ito upang ipahayag ang malalim na pagmamahal niya kay Hesus. Marami rin ang nahumaling sa kagandahan ni Santa Rosa. Sa ating buhay, mayroon ding mga magagandang bagay sa atin. Ito man ay pisikal, materyal o mga tagumpay na nakamit. Minsan, ito ang nagiging dahilan ng ating pagmamalaki, pagnanais na maging tanyag, o makilala. Sa lahat ng ito, naging iba si Santa Rosa. Itinago niya ang kanyang kagandahan sapagkat hindi ito ang pinakamahalaga sa buhay niya. Ang mga bagay na sa tingin niya’y mag-aalis ng kanyang atensyon kay Hesus ay sinisira niya. Ang maganda niyang buhok ay pinutol niya, at ang balat ay pinahiran ng kalamansi. Nais niyang si Kristo lamang ang ibigin niya at hindi ang mundo. Nais niya ring si Kristo lang ang mapansin ng iba at hindi siya. Tayo rin minsan, nais nating mapansin ng iba. Ipinapakita natin ang ating sarili kaysa ipakita si Hesus sa iba. Tayo’y gumagawa ng maraming paraan upang mapuri ng ibang tao. Ipinakikita natin ang maraming bagay na mayroon tayo. Pinupuno natin ang ating mga mata, tainga, isip at puso ng maraming bagay. Ang mga bagay na ito ay hindi makapaglalapit sa atin kay Hesus upang makilala Siya. Napalalayo na tayo sa Diyos. Tulad ni Santa Rosa, buo niyang inalay ang kanyang oras, pagmamahal, pati ang kanyang kagandahan para sa Diyos. Tularan natin si Santa Rosa at disiplinahin ang ating mga sarili upang maituon ang buong pagmamahal kay Hesus.
Santa Rosa de Lima, ipanalangin mo kami!