MABUTING BALITA
Juan 6, 51-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang Banal na Ostiyang ating tinatanggap sa Eukaristiya ay mismong si Hesus. Hindi ito simbolo. Siya iyon mismo. Kaya nga dapat tinatanggap natin iyon nang may malinis na puso at walang mortal na kasalanan. Dapat handa tayong tanggapin ang Banal na Katawan at Dugo ng ating Panginoon sa ating puso at may intensiyong makipagkaisa sa Kanya at isama Siya sa bawat yugto ng ating buhay. Halimbawa, sa mga ordinaryong gawain natin tulad ng paglalaba o paghuhugas ng pinggan, maari nating kausapin si Hesus sa katahimikan ng ating puso. Ngunit sa pagiging abala ng tao, kakaunti ang nakakapansin na Siya’y ating nasa puso.
Kung paanong ang ating unang magulang ay nagkasala sa pamamagitan ng pagkain at naputol ang ating koneksyon sa Diyos, sa ganoong paraan din tayo maililigtas at magkakaroon ng buhay na walang hanggan – sa pagkain ng Pagkaing Nagbibigay-buhay. Iyon ay walang iba kundi si Hesus. Kailangan nating tanggapin si Hesus sa Banal na Misa upang si Hesus sa Eukaristiya ang magbibigay pag-asa sa atin kapag maraming dapat kalabanin sa buhay. Siya rin na nananahan sa loob natin dahil sa Banal na Komunyon ang magiging lakas at pananggalang natin laban sa tukso. Hindi natin ito magagawa nang mag-isa. Kailangan natin si Hesus. Hindi lamang dahil ito’y Kanyang utos kundi dahil alam nating sa pamamagitan ng Eukaristiya, natitikman natin ang Langit dahil sa pagsamba sa Diyos at pakikipagkaisa sa Kanya na mangyayari nang mas ganap kapag tayo’y kasama na Niya roon.