MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.
Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:
‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan, ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya.
“Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
Pagninilay:
Lumapit ang mga eskriba at Pariseo kay Hesus at Siya’y pinuna nila. Sinabi nila kay Hesus, “Kumain ang mga alagad mo nang hindi naghuhugas ng kamay.” Ang mga eskriba at Pariseo ay mahigpit sa pagsunod sa mga utos at paniniwala. Mula sa 10 Utos, nagbunga ito ng higit sa anim na raan. Ngunit hindi nila nakikita ang tunay na diwa ng pagsunod sa mga kautusang ito. Kaya sinabi ni Hesus, “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang lumalabas.”
Ang mga eskriba at Pariseo ay mga dalubhasa pagdating sa kautusan. Sa tingin nila, si Hesus at ang mga alagad ay lumalabag sa kautusan. Hinigpitan at dinagdagan ng mga eskriba at Pariseo ang kautusan na kailangang tuparin ng ibang tao. Sa kanilang paghihigpit sa iba, hindi nila ito naisasagawa sa kanilang sarili. Mahalaga ang pagsunod sa kautusan ng Diyos. Ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo ngayon na huwag maging mapagmataas dahilan sa pagiging dalubhasa sa utos ng Diyos. Huwag din nating husgahan ang ating kapwa, sa halip, dapat tayong maging mapagkumbaba. Ang tunay na pagsunod sa Diyos ay makikita sa ating mga gawa. Ang pagiging mahabagin, maibigin at maunawain sa kapwa ay nagpapakita ng kadalisayan ng ating puso. Ito ang mga kaloob ng Diyos sa atin. Ito ang tunay na pagsasabuhay sa kautusan ng Diyos. Dapat tayong mamunga at maging banal.
Kahit na tayo ay dalubhasa sa mga kautusan at turo ng Simbahan, kung tayo ay mapanghusga sa ating kapwa ay hindi natin naisasabuhay ito. Hindi ang mga pumapasok sa ating bibig ang nagpaparumi sa atin kundi ang mga nanggagaling sa atin puso. Sa puso nanggagaling ang panghuhusga at ang pagmamataas. Tulad ni Hesus at ng Kanyang mga alagad, alam nila ang tunay na salita na ipinag-uutos ni Hesus. Kaya sila’y mas nagpakababa, mas naging mahabagin at maibigin sa kapwa. Tayo’y lumapit sa Sakramento ng Kumpisal at tayo’y puputi at magiging malinis muli.