Ginugunita natin ngayong araw ang santo na si Papa San Gregorio, pantas ng Simbahan. Siya ay ipinanganak sa Roma noong taong 540. Nagkaroon siya ng posisyon sa pamahalaan na kanyang iniwanan. Ito ay sa kadahilanan na mas pinili niya ang magkaroon ng monasteryo at ibigay ang kanyang buhay sa Diyos sa pagiging monghe. Noong Setyembre 3, 590 ay naging Santo Papa si San Gregorio at sa pamamagitan nito, tinulungan niya ang mga mahihirap at ipinalaganap ang pananampalatayang Katoliko. Anu-ano ang matutunan natin sa kanyang buhay?
Napakahalaga para sa ating mga Katoliko na maunawaan na ang pinakamahalaga sa ating buhay ay ang ating relasyon sa Diyos. Tingnan natin si Papa San Gregorio kung paano niya tinahak ang daan ng kabanalan patungo kay Kristo. Kahit na tayo ay nag-aaral o nagtatrabaho, tandaan natin na hindi ito dapat maging dahilan upang tayo ay makagawa ng kasamaan o kasalanan. Bagkus ito dapat ay lalong magpalapit sa atin sa Diyos. Iwasan natin ang tukso na pumapalibot sa mundong ito. Magagawa natin ito kung mas magiging malalim ang ating debosyon sa Diyos tulad ng halimbawa ni San Gregorio. Bukod pa rito, malaking tulong sa Simbahan ang gamitin natin ang talento sa pagsali sa mga organisasyon at kilusan ng Simbahan na nagnanais mapalaganap ang Mabuting Balita ng Diyos. Ngunit, hindi tayo dapat nakatuon lamang sa ginagawa natin sa ating mga grupo kundi ang ating mabubuting gawa ay bunga ng ating pananampalataya kay Hesukristo. Nawa’y ang ating mga salita at gawa ay maging halimbawa ng Ebanghelyo na ating ipinapahayag at sa pamamagitan nito, makita ng mga tao ang Panginoon sa ating buhay.
Papa San Gregorio, ipanalangin mo kami.