[Isang Apokalipsis: Hapon Sa Dambana Ng Ina Ng Walang Mag-Ampon]
Sa paligid natutupok na ang mga tinatawag
na kapayapaan sa pagbubulay. Natatapos ang mundo
nang hindi muling gumuho ang mga edipisyo.
Natatapos ang mundo at hindi maaari-
-ng mamamalayan. Gunitain ang pagyurak
sa dambana ng naglipanang mga kalamidad.
Halimbawa, magdasal nang walang nakaaantala
sa inaakma. Dahil pangkaraniwan ang pag-usad ng saysay
sa mga yapak na iniiwan sa inaspaltohang lawak.
Ako’y namangha sa kapayakan ng mga araw
bagamat napakainit tila wala nang awa
pati ang hangin.
Nang kinanta mula sa nobenaryo ng tagapamuno:
Babaeng nararamtan ng araw.
Siya’y nakatungtong sa maliwanag na buwan.
Labindalawang bituin ang Kanyang korona.
Mas maaga ko pang inisip ang imaheng
nasa gitna nitong simbahan. Babaeng nararamtan
ng lumbay at galak. Sa siyam na araw hanggang
sa pinakamataas na pagpaparangal sa kanya.
At siya ay nararamtan na ng mala-araw na tingkad:
maaliwalas na langit at mapusyaw na rosas.
Nakatungtong sa ulap kung saan
sumisilip ang mga kerubim. May ‘di matatantong
hiwaga. Labindalawang tala at ginintuang
korona, kapwa Ina at Sanggol. Nang titigan
nang maigi walang bumati na salita;
ni letra, tuldok, pananong, o kahit kuwit.
Isang pambihirang tantum quantum
bagamat linulusob na ng sandamukal
na tungkulin. At patuloy matatapos
ang mundo ng hinuha, mag-aalsa
ang bawat pag-destyero ng kasalukuyan:
Ang pagbangon sa himlay, paggawa
nang hindi iniinda ang bawat galak.
Madali tayong lumisan
sa mga katiyakan sa pagitan
ng dasal at dinadasalan. Maaarok
ang tapat na pag-usal ng ibig ng guho
sabihin sa Inang nagaantay ng isang
antanda at bulong. Sa kawalang
katiyakan sa pag-aalay ng dasal.
Tila may kulang sa imaheng halaw
sa ukit ng mga anghel sa Valencia:
Mga taong iniwan sa pagkawaglit.
Luminga-linga at napagnilayan
ang namumugad sa mga bangko.
*
[Isa Namang Dasal Habang Kinakatwiran Ang Isang Apokalipsis]
Susubukan kong arukin ang ibig
ng sinaunang mga tanda:
Azucena, Paloma, y Cruz.
Doce estrellas, coronas, y vestimientos.
Nang walang pagpapalabnaw
ng mahirap paniwalaang perpeksyon.
Maaatim kaya rito
ang pagpapaliwanag ng kumunoy.
Ang bighani sa iyong pag-amo.
O pinagpala ng Bathala.
Ikaw, hinulma sa kilatis
kasabay ng paglagot sa tangis.
O anong kintal ang dumaranak
at binubuksan ang ginhawa.
O inihapag na tanda
ng langit sa sansinukob.
Ipinagtatapat ng mga ito
ang pagkawala sa landas
at siyang pagkalumanay
sa bawat dahas ng loob.
Jose Martin Singh | OLA Social Communications