Normal na tampok ang pahalik sa tuwing bibisita ang namamanata sa Simbahan. Ito ay sumisimbolo bilang paggalang sa poon. Mahihinuha ang pagkilala sa otoridad ng Diyos, ng Birhen, at ng mga Santo na naisalin ng ating mga ninuno sa atin.
Tuwing may malalaking pista sa siyudad ay kasama ito sa aktibidad ng Simbahan upang makadaupang-palad ang Birhen.
Ang tradisyon na tinatawag na “Bes[a] Manto” ay madalas gawin tuwing may pista. Nagmula ang salitang Besa sa conjugacion ng salitang Besar sa salitang Kastila na nangangahulugang “halik” at ang Manto ay nangangahulugang “balabal.”
Ang kasuotan ng Birhen ang madalas halikan o hawakan ng mga namamanata. Maraming dahilan kung bakit humahalik ang mga namamanata gaya ng paghiling sa Birhen na gumaling ang kaaanak na may sakit, pumasa sa board exam ang isang mag-aaral, para gumanda (pa) ang estado ng kanilang buhay, at kung anu-ano pa.
Kalakip na rin ang kaugalian ng mga matatanda na sa tuwing makita ang Birhen ay magbigay-galang sa pamamagitan ng paghalik o halikan ang damit ng Birhen at saka humiling. Hindi ikababawas ng pagkatao natin kung tayo ay susubok.
Ngunit lagi nating isipin na matupad man o hindi ang ating mga hiling sa Birhen, panatilihin nating manalig hindi para sa ating mga kahilingan dito sa lupa, ngunit para sa ating buhay na walang hanggan.
Liwanag sa Diyos
Paulo Alloysius E. Fontanilla I OLA Social Communications