Mayo 20, 2024
Bilang mga Kristiyanong Katoliko, hindi lang natin basta kinikilala si Maria bilang Ina ng Diyos na naging daan upang maganap ang kasaysayan ng kaligtasan sa sangkatauhan. Bukod sa pagiging Ina ng Panginoong Hesukristo, marubdob ang pagkilala natin kay Maria dahil sa kan’yang pagiging modelo sa bawat isa. Bukod pa rito, si Maria ang Ina ng Sambayanan; Ina ng Diyos at Ina ng Simbahan.
Tuwing Lunes pagkatapos ng Linggo ng Pentekostes, sa kapasyahan ni Papa Francisco ay ginugunita si Maria, ang Ina ng Sambayanan. Ang kaganapang ito ay hindi lamang basta pagkilala ngunit isang parangal kay Maria bilang Ina ni Hesus na ulo ng Simbahang Kristiyano. Hindi magtatagumpay ang kapasyahan ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan kung hindi dahil sa pagtalima ni Maria na maging Ina ng Manunubos na si Hesus. Magmula sa pagdadalantao hanggang kamatayan sa krus, niyakap ni Maria ang kan’yang tungkuling maging Ina ng ating Panginoon.
Naging basehan dito ito ng mabuting halimbawa ni Maria sa bawat isa na maging masunurin at mababa ang loob sa anumang kaganapan sa buhay. Dahil dito, masasabi natin na si Maria ay isang huwaran; angkop sa pagiging Ina ng Diyos at Ina ng Sambayanang Kristiyano.
Magpahanggang ngayon, malaki pa rin ang ginagampanang papel ni Maria pagdating sa pananampalataya. Ang masidhing debosyon at pagpipitagan sa kan’ya ng Simbahan ang isa sa indikasyon ng malaking gampanin niya sa mga Kristiyano. Dahil sa pagdedebosyon sa kan’ya, mas napapalapit ang bawat isa kay Hesus. Dahil sa pagpipitagan sa kan’ya, mas nagkakaroon ng malalim na kahulugan ang ugnayan ng Diyos at tao.
Si Maria ay mahalagang salik sa bawat mananampalataya. Ang parangal sa kan’ya ay hindi lamang basta sa kan’ya ngunit para sa ikararangal ng Panginoon na ating Tagapagligtas. Alalahanin natin na tulad ni Maria, tayo rin ay may gampanin sa ating Simbahan at kapwa. Ang gampanin ding ito ay ialay natin hindi para sa ating sarili kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos na ating Manlilikha.