Mayo 23, 2024.
Si Kristo ang Dakilang Pari, ang tanging Tagapamagitan natin sa Diyos Ama. Ang lahat ng pari ay nakikibahagi lamang sa pagkapari ni Hesus, ngunit iisa ang Walang Hanggang at Dakilang Pari, ang ating Panginoon. Siya ang Pari, Siya rin ang alay. Bilang alay na walang sala, Siya ang nag-alis ng mga kasalanan ng mundo. Hindi ito magagawa ng sinumang makasalanan at lahat tayong mula kay Adan at Eba ay mayroon nang bahid nito. Tanging si Hesus lamang na inosente at napakalinis ang karapatdapat na alay para ikapagpapatawad ng kasalanan at ginawa Niya ito.
Ang alay na ginawa Niya ay para sa lahat at iisang beses lamang ginawa. Ang isinasagawa tuwing Banal na Misa ay paggunita sa Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay subalit hindi ibig sabihin na nangyayari ito ulit doon. Ito’y paggunita o pagsasariwa gaya ng utos Niya subalit ang kinakain ay totoong Kanyang katawan at ang iniinom ay totoong Kanyang dugo.
Ang paghihirap at pagkamatay ni Hesus ng isang beses ay higit pa sa sapat para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Hanggang ngayon na Siya’y umakyat sa Langit at naririto sa anyo ng puting ostiya sa Banal na Sakramento sa altar, walang tigil ang Kanyang pananalangin para sa atin. Bilang pagbibigay ng debosyon sa Kanya bilang ating Dakilang Pari, maari nating mas dalasan ang pagpunta sa simbahan. Magtungo tayo roon sa altar, sa Tabernakulo kung saan may pulang ilaw. Naroroon si Hesus, ang Dakilang Pari na bilanggo ng pag-ibig. Niloob Niyang laging maghintay sa atin doon kaysa tayo ang maghintay sa Kanya.
Para sa ating kapakanan, lagi Siyang namamagitan para sa atin sa Ama. Siya rin ang nagsabing anumang hilingin natin sa Kanyang Ngalan mula sa Ama ay ipagkakaloob Niya. Tanggapin natin ang Kanyang alay, ang Kanyang sarili – dugo at katawan sa Banal na Komunyon nang may pusong malinis. Magagawa natin ito sa pagtungo nang mas madalas sa sakramento ng kumpisal. Tayo rin ay nakikibahagi sa pagkapari ni Kristo sa pamamagitan ng pag-aalay ng lahat ng sakripisyo natin sa buhay at sa pagdarasal, hindi lang para sa atin kundi para sa ibang tao at sa buong mundo.