Bago ang huling Biyernes ng Enero ay nagtirik na sila ng pwesto sa patio ng parokya. Naghanda na ng tolda at pira-pirasong gamit-pang debosyon.
Sa pag-usad ng mga aktibidad para sa pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno sa Dambana ng Ina ng Walang Mag-Ampon, sumabay din ang mga manininda sa agos ng prusisyon at madalas nasa gilid, humihinto’t kumakatok. Iaalok nila sa mga nasa tahanan ang ilang tanda ng pinaparangalang imahen ng Diyos. May magpapaunlak at may tataboy sa kanilang alok.
Kadikit ng kanilang hanapbuhay ang paglalakbay. Kung saan dadalhin ang mga imahen ay doon rin ang kanilang magiging tirahan sa loob ng ilang araw. Minsan natutulog sila sa may simbahan at kung minsan ay sa mga bangketa. Nakadepende ito sa pagtanggap ng pamahalaan ng lugar sa kanila. Pero sama-sama sila kung matulog at nakahilera na parang hindi magka kompetensya.
Lagi silang umuusad kasabay ng prusisyon.
Mga piraso ng hiwaga
Linggo. Lagpas isang oras nang makabalik ang Nazareno mula sa mga kalye ng unang distrito ng lungsod. Nakaupong halos monghe ang 60 taong gulang si Jose: nakatalikod sa mga dumadaan at nakayuko sa sahig. Malalim ang pagkakayuko.
Ang pwesto niya’y madilim at walang silong sa hanay ng mga mailaw na tolda. May ilang dumarating pa sa simbahan upang lapitan ang Nazareno sa loob.
Bago pa ang mismong pagdalaw ng Nazareno sa Marikina ay kumuha na raw ng permit sa barangay ang kanyang mga pamangkin. May rekisitong paghahanda lagi ngunit pamilyar na sa kanila itong proseso dahil noong mga nakaraang dalaw ng Nazareno sa lungsod ay kasama na rin sila.
Minsang nang naging tagabenta ng tiket ng sweepstakes at naging bodyguard ng pari sa isang parokya sa Lungsod Quezon si Jose. Kasabay ng pamamalagi niya sa nasabing parokya bilang bodyguard ay nagbebenta na rin siya ng mga relihiyosong gamit.
Kapag nagbabahagi kasama ang mga taga-parokya ay nakakantsawan na mas magaling pa mag-homiliya kaysa sa pari. Mahihinuha sa mga kwento na may balon si Jose ng karanasan sa pananampalataya. Pero hindi niya kailanman binalak maging pari.
“Jose, nagsimba ka na ba? Ano ba ang homily ng pari,” pabirong tanong ng mga kasama niya. Naging hudyat naman ang mga ganitong biruan ng mas maigting na pagsubaybay sa misa.
Ipinaliwanag niya na bagamat mahirap magpalago ng benta ay lagi niyang nais na gawing abot-kaya ang paninda para sa mga nagdedebosyon. Kaunti lamang ang kanyang tubo sa kanyang mga paninda. Hindi rin niya binababaan ang presyo nito upang maging patas ang presyuhan sa kapwa manininda.
“Kahit kaunti lang ang tubo basta ang akin ay maglingkod ako sa Diyos,” aniya. Naglilibot sa lungsod niyang Manila sa mga pangkaraniwang araw, tumutungo naman siya sa iba’t ibang lugar sa buong bansa at sinusundan ang hamig ng debosyon.
Ilan sa mga tinitinda niyang bagay tulad ng rosaryo ay gawa niya mismo. Natutuhan niya ang teknik sa isang kaibigang gumagawa ng rosaryo. Madalas mag-ikot si Jose sa iba’t ibang tindahan sa Manila upang makahanap ng materyales sa kanyang gagawing paninda.
Lagi niya umanong nakakatungali sa pagtitinda ang mga nagmula sa ibang denominasyong Kristiyano. Marahil, aniya, kinukutsa siya sa mga pinili niyang itinda. Ngunit malayo sa kanyang kagustuhan ang makipag-away.
Parte na ng kanyang buhay ang pagtitinda ng mga imahe at dasalan. Saksi siya sa pananampalataya ng iba’t ibang lugar.
Makabenta o hindi ay pinagninilayan niya na may ngiti ang sentro ng kanyang buhay, ang Diyos.
“Hindi ako mapakali, hindi buo ang araw ko kapag hindi nagsisimba,” aniya.
May edad na si Jose ngunit wala pa siyang plano na huminto sa pagtinda. Hangga’t kaya ng kanyang katawan ay patuloy pa rin ang lunsaran niya sa pagsunod sa Poon at pagdala ng debosyon.
Lagom ng lakbay
Marami nang nilakbay at lalakbayin pa si Edwin, 63.
Kung saan- saan na siya nagtungo sa bansa para magtinda. Minsan sa kanyang kinagisnang lungsod na Maynila, marahil sa kung saan hatakin ng debosyon ng karamihan kahit malayo pa ito. Sagot niya lagi ang sariling biyahe sa pag-asang lumakas pa lalo ang benta, at ang pananampalataya ng bawat mamimili.
Sa paligid ng Quiapo siya madalas maglako. Tuwing unang Biyernes ng buwan, walang palya siyang magsisimba ng unang misa ng araw. Kahalili ng debosyon ang kanyang paghahanapbuhay, aniya. Magmula sa misa ay maglilibot siya’t magtitinda.
Habang pumapasok sa gilid ng simbahan ng Ina Ng Mga Walang Mag-Ampon ang mga nais makalapit sa Nazareno, nakaabang si Edwin gaya ng ilan niyang kasama. Sila’y naglalakad parito’t paroon sa patio at lalapit ang mga may gusto ng disenyadong panyo na maipapahid sa poon o kaya naman ng isang maliit na imahen ng poon.
Nagsimula siyang magbenta nang, isang araw, nakapirmi sa bahay, ay sumama siya sa isang kaibigan na nagbebenta na ng mga relihiyosong gamit. Wala talaga siyang balak pasukin itong larang na ito. Isa siya noong branch manager ng komersyo ng kahoy sa Oriental Mindoro. Ngunit, dahil nagsara ang kumpanya matapos ipagbawal ang pagpuputol ng puno sa bansa, nagsimula siya sa panibagong hanapbuhay.
Sa kanyang palagay naging mas malakas ang benta niya noong bago ang pandemya. Ngayon ay mas mahina, aniya, buhat ng mga limitasyon na dala ng pandemya at samu’t saring krisis panlipunan. Ngunit nakakasustento kahit papaano sa kaniyang mga pangangailangan ang kanyang naiipon.
Gaya ng mga kasamahang nagtitinda, isa sa madalas niyang kaharapin ang pangungutya ng nagmula sa ibang pananampalataya. “Imbis na sabihin [lang kung saan sila sumasanib],
pipilosopohin ka pa,” aniya. Napailing si Edwin nang maalala ang mga natanggap na pangungutya. Kapag nagkataong naalok niya at sumagot sila ng pabalang ay nagpapaumanhin siya.
Kibit-balikat niyang tinatanggap ang mga ganitong tagpo. Kasama ito sa kanyang hanapbuhay. Sa kanyang paglalakbay, marami pa siyang makakasalamuha na mga mananampalataya at mga hindi.
Wala pa sa plano niya ang magretiro sa ganitong hanap-buhay. Tatahakin niya pa sa abot ng makakaya ang landas kasama ang Nazareno.
Pagsunod sa gabay
Pahalang ang bagsak ng araw sa kinatatayuan niya. Labas-masok ang mga tao sa lagusan ng simbahan. Sa labas, sa lilim ng portico, nag aalok si Antonia, 75, ng mga nakasukbit na panyo, rosaryo, kuwintas, at iba pa. Sa loob, naghahanda na ang mga deboto ng lungsod para sa misa ng pamamaalam sa Nazareno.
“Tuwing nandito po siya nandito po kami,” ani Antonia.
Tila walang iglap na pwedeng sayangin. Ang bawat segundo ay segundo ng posibilidad na makabenta. Mag-aabang siya ng dadaan, iaangat ang braso, at mag-aalok:
“Panyo ng Nazareno po.”
Taong 1972 nang magsimula siyang magtinda ng mga imahen, partikular na ang mga dasalan at panyo ng Itim na Nazareno. Ito ang mga mabiling kagamitan niya lalo na sa Simbahan ng Quiapo kung saan siya madalas magtinda. Sinusundan rin niya ang biyahe ng poon lalo na kung hindi naman ito kalayuan sa kanyang tinitirahan.
Hindi lang paghahanap-buhay ang kanyang tunguhin sa simbahan. Paraan na rin ito ng pasasalamat at patuloy na panalangin para sa kanyang anak na binigyan ng pangalawang buhay at patuloy na nagpapagaling sa karamdaman.
Kasama ni Antonia sa bahay ang kanyang 52 na taong gulang na anak na may kapansanan. Aniya, ito ang kanyang tungkulin sa araw-araw. May araw din na sinasama niya sa Quiapo ang anak para humiling ng kagalingan.
“Hindi ko pinabayaan [ang aking anak]
sa pag-aalaga. Nagpapasalamat ako binigyan pa siya ng panibagong buhay,”
aniya.
Bagamat may ganitong pasanin si Antonia, malalim ang pag-asa niya sa harap ng mga hamon. Masaya na siya sa tuwing kumikita at nakakasimba siya sa Nazareno. Sambit pa niya, ang mga tanging hiling niya sa Poon ay gumaling nang tuluyan ang kanyang anak at mabigyan ng mahabang buhay upang makasama ang anak.
Isang uri ng pag-Traslacion
Sa pagtahak ng mga panibagong destino, bitbit ng mga manininda ang aral at kawangis ng Diyos sa bawat lugar na mapupuntahan. Sa bawat pagbili ng mga deboto sa kanilang mga dasalan, nadadala ang pananampalataya sa loob ng tahanan.
May mahihinuhang dalumat ang kanilang pagtitinda at ang debosyon ng mga namamanata sa lungsod. Hindi man makapunta ang ilang deboto sa mismong dambana dahil sa banta ng pandemya, nanunuluyan ang Poon sa pamamagitan ng mga imaheng dumarating sa kani-kanilang mga altar.
Panayam sa mga Manininda sa Bisita ng Nazareno sa Marikina
Martin Singh at Paulo Fontanilla | OLA Social Communications