Abril 28, 2024.
MABUTING BALITA
Juan 15, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Wala tayong magagawa kung wala ang Diyos. Marahil hindi natin ito madalas maalala sapagkat nakakahinga tayo nang hindi ito iniisip subalit maging ang ating paghinga ay kalooban ng Diyos. Kalooban din Niya kung ito’y titigil na. Ang lahat ng ating kinakain na bunga ng lupa at mga hayop ay pawang mga likha Niya. Binili man ito, niluto at nilagyan ng rekado, ito pa rin ay mula sa Diyos.
Kaya nga, mga kapatid, pagdating sa mga malalaking bagay sa buhay, bakit kaya madalas maisip ng tao na kaya niyang mag-isa?
Mas natural sa tao na isiping nakadepende sa kanyang kakayanan ang anumang gawain kaysa isiping ang lahat ay nagagawa at magagawa sa tulong ng Diyos. Subalit ang Panginoon na ang nagsabi, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.”
Tayo ay bahagi ng Diyos. Tayo ang Kanyang mukha, kamay at paa dito sa lupa. Tungkulin nating gawin ang Kanyang kalooban at laging manalangin tuwing bago kumain at sa bawat gawain. Hanapin man natin sa mundo ang makakapagsaya sa atin, hindi natin ito matatagpuan kundi sa pagtupad ng natatanging misyong inihanda ng Diyos para sa bawat isa. Panandaliang aliw lamang ang alay ng mundo subalit hindi tayo nilikha para sa mga lumilipas na bagay. Sa kaibuturan ng ating tunay na puso ay ang hangarin makasama at makaisa ang Diyos dito hanggang sa Langit. Siya ang tanging makakapuno ng anumang puwang sa ating puso.
Kung ano man ang misyon natin mula sa Diyos, iyon ay epesyal sa bawat isa, walang makagagawa noon kundi ang tao lang na iyon. Hilingin nating matagpuan natin kung para saan tayo nilikha ng Diyos na Kanya ring kalooban na mabuti, kalugud-lugod at ganap.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.