Sa ating bansa, maraming pagdiriwang ang sumasalamin sa iba’t ibang aspeto ng ating pagkakakilanlan sa aspeto ng pananampalataya, kultura, tradisyon, at kasaysayan. Bilang mga Pilipino, ipinagdiriwang natin ang mga mahahalagang bagay na may katuturan at nakagisnan bilang bahagi ng ating mayamang pinagmulan. Isa rito ang pamana pa sa atin ng nakaraan na magpahanggang ngayon ay patuloy nating pinanghahawakan; ang Mayo bilang Buwan para kay Maria.
Lingid sa kaalaman ng lahat ang pinagmulan ng makulay na pagdiriwang at kaganapan tuwing sasapit ang buwan ng Mayo. Bagama’t mayroong mga pista tulad ng Pista ni San Isidro Labrador at Pista ni Santa Elena, natatangi ang pagdiriwang ng Flores de Mayo.
Ang Flores de Mayo ay inihahandog bilang isang kapistahan na idinaraos sa ating bansa bilang bahagi ng ating matimyas na pamimintuho sa Mahal na Birheng Maria bilang mga Pilipino. Pamana ito ng ating mga ninuno na bukod sa taguring na Flores de Mayo ay kilala rin sa tawag na Flores de Maria. Isang buong buwan ito na itinatagala bilang pagpaparangal kay Maria. Sinasabing taong 1867 umiral ang Flores de Mayo na nagpayabong sa kultura at pananampalataya.
Sa tradisyong ito, ipinakikita ng mga mananampalataya ang marubdob na pagmamahal at pamimintuho kay Maria bilang ina at reyna sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kan’yang imahen. Sa ating bansa, iba’t iba ang pamamaraan na isinasagawa tuwing sasapit ang buwan ng Mayo. Sa mga probinsya, tuwing hapon sa buong buwan ng Mayo, isinasagawa ang pagdarasal ng Santo Rosaryo na susundan ng pag-aalay ng bulaklak sa imahen ng Mahal na Birheng Maria.
Sa iba naman, partikular na sa mga lungsod, ginaganap ang Sagala na kinalalahukan ng mga dalagang kababaihan na sinusundan din ng pag-aalay ng bulaklak sa imahen ng Mahal na Ina. Makikita natin na iba’t iba man ang pamamaraan ay iisa pa rin ang dahilan kung bakit ito nagsimula at patuloy na ipinagdiriwang; upang magparangal at mamintuho kay Maria na Ina at Reyna ng sambayanan.
Marahil ang buwan ng Mayo ay isa sa mahahalagang buwan dahil bukod sa mga pista, ito rin ay ang buwan upang gunitain ang mga ina. Hindi nalalayo sa dahilan kung bakit nabuo ang Flores de Mayo o kilala rin sa tawag na Flores de Maria. Iisa lang naman ang dahilan at ito ang dakila nating pagmamahal at pagyakap kay Maria bilang ating ina at reyna.