May Pasko dahil mayroong Diyos na nagmamahal sa atin! Higit sa lahat, minahal Niya tayo kahit na tayo ay makasalanan. Sa wagas na pagmamahal sa atin ng Ama ay ibinigay Niya sa atin ang pinakadakilang regalo na maibibigay Niya – si Hesus.
Disyembre 25, 2023
Pagninilay:
Lingid sa kaalaman ng lahat, ngayong araw pa lamang ang simula ng pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang. Magtatagal ang panahon ng Pasko hanggang sa Kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoon sa ika-7 ng Enero. Maari pa nating batiin ang isa’t isa ng “Maligayang Pasko” hanggang sa araw na iyon. Minsan, may isang pamilya ang nagdiwang ng Pasko sa Baguio. Nang hatinggabi bago ang Pasko, nagyaya ang nanay ng pamilya upang magsimba. Ngunit ang tatay ay hindi sumama. Ito ay dahil nahihirapan siyang tanggapin ang diwa ng Pasko – na ang Diyos na makapangyarihan ay nagkatawang-Tao at namuhay sa gitna natin. Dahil dito, naiwan siyang mag-isa sa kanilang tinutuluyan.
Habang nagsisimba ang kanyang mag-iina ay biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Napansin ng tatay na may munting ibon na sumisilong sa kanilang bintana. Biglang nakaramdam ng awa ang tatay at umisip siya ng paraan upang mapapasok ang ibon. Naglagay siya ng kapirasong tinapay na maaaring sundan ng ibon hanggang makapasok ng bahay. Ngunit sa tuwing gagawin niya ito, ang ibon ay lumilipad palayo. Naisip ng tatay na kung sana ay maging ibon din siya kahit limang minuto lamang upang maipaunawa sa ibon na ang tanging hangad lamang niya ay para sa kaligtasan nito.
Dahil sa pangyayaring ito, napagtanto ng tatay na para bang ganito rin ang ginawa ng Diyos Ama noong unang Pasko. Mula sa langit ay ipinadala Niya ang Kanyang bugtong na Anak sa mundo upang higit na maunawaan ng mga tao ang Kanyang wagas na pag-ibig para sa atin.
Ito ang tunay na diwa ng Pasko – ang pagmamahalan. May Pasko dahil mayroong Diyos na nagmamahal sa atin! Higit sa lahat, minahal Niya tayo kahit na tayo ay makasalanan. Sa wagas na pagmamahal sa atin ng Ama ay ibinigay Niya sa atin ang pinakadakilang regalo na maibibigay Niya – si Hesus. Nabuhay bilang tao si Hesus, naging tulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan, upang matanggap natin ang pinakadakilang regalo ng Ama – isang bahagi sa banal na buhay ng Diyos, hindi lamang ngayon kundi para sa walang hanggan. Ibinigay Niya sa atin ang ang kaligtasan.
Nawa sa pagdiriwang natin ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, sana ay matuto rin tayong magmahal. Kung minsan ay may mga tao tayong hirap mahalin dahil nasaktan nila tayo o may mga bagay silang ginagawa na hindi natin gusto. Pero hindi ba ganito rin tayo sa Diyos? Palagi tayong nakagagawa ng kasalanan at mga bagay na nagpapalungkot sa Diyos. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin tayong minamahal at pinatatawad ng Diyos.
Sana ay ganito rin tayo. Ipakita natin ang pagmamahal hindi lang sa ating pamilya at mga kaibigan, kundi pati na rin sa mga taong hindi natin kasundo. Kung gagawin natin ito, tunay ngang isinilang si Hesus sa ating mga puso ngayong Pasko!
Maligayang Pasko po sa inyong lahat! Magmahalan tayo ngayong Pasko!
#OLAmarikina #BirhenNgMarikina