Ika-23 ng Disyembre
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Homily Highlights ni Rev. Fr. Lambert Ramos
Sa ikasiyam na Simbang Gabi, narinig natin ang ebanghelyo tungkol sa pagpapahayag ni Anghel Gabriel kay Maria.
Sa kanyang homilya, ibinahagi ni Fr. Lamberto Ramos ang kahalagahan ng "oo" ni Maria. Sinabi niya: "Mangyari sa akin ang iyong sinabi. That beautiful word - which in latin says 'fiat' - sundin ang kalooban mo, Panginoon. That completely changed the entire world from that time up to now. If it were not for Mary, we would not have had a baby born Jesus who would then suffer, and then die on the cross, resurrect, and save us. That is the most lovely, or the loveliest thing that Mother Mary has done for us."
Pinaalala rin ni Fr. Ramos na lahat tayo, bata man o matanda, ay laging nahaharap sa iba't ibang temptasyon at mga pagsubok sa buhay. Hinikayat niya tayo na tularan ang pag "oo" ni Maria. "Kung wala tayong matigas na pananampalataya at 'yong ating sasabihin sa Panginoon 'Masunod po ang gusto Mo, Panginoon. Kung ano po ang gusto N'yo, iyan po ang masusunod - Thy will be done." Kung wala niyan, lahat na lang ng darating sa atin na pasang krus natin, hindi natin kakayanin."
Sa pagtatapos, pinaalalahan niya tayong maging matiyaga sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon tulad ng ginawa ng Mahal na Birheng Maria. "Each one of us will always have joys and sorrows... Merong gabi, pero merong araw. Merong ulan, merong tag-araw. Meron tayong kaligayahan, meron tayong kapighatian. Laging magkasama 'yan. There is an inextricable link between joy and sorrow, crown and cross - magkasama 'yan. And what is most important is that ang attitude natin ay hindi complain nang complain. We do all these things out of love...
Every complaint adds weight to your cross. Which means habang puro ka reklamo, pabigat nang pabigat nang pabigat ang iyong dadalhin. Let us learn from Mary. 'I am Your handmaid, Lord. Ako ang alipin Mo, Panginoon. Mangyari sa akin ang Iyong sinabi." At maniwala kayo.
Everything that you carry will be lightweight, or even maybe weightless. Because the Lord will give you and me only things that you and I can bear. With Mary, say 24 hours a day 'fiat'. Thy will be done, Lord. Amen."
KN Marcelo | OLA Social Communications