MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis.
Humayo agad ang tumanggap ng limanlibong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limanlibong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawanlibong piso ay nagtubo ng dalawanlibong piso. Ngunit ang tumanggap ng sanlibong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
“Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limanlibo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’
Lumapit din ang tumanggap ng dalawanlibong piso, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawanlibong piso. Heto naman po ang dalawanlibong pisong tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’
At lumapit naman ang tumanggap ng sanlibong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. (…) Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang sanlibong piso ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ Tugon ng kanyang panginoon. (…) Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang sanlibong piso at ibigay sa may sampunlibong piso. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. (…)
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PAGNINILAY:
Ang tapat na alipin ay ginagawa ang anumang tungkuling iniatas sa kanya. Tayo ang mga alipin na ito. Ang buhay natin ay hiram lamang sa Diyos, sabi nga sa isang kanta. Pagbalik natin sa Kanya, dapat mayroon tayong dala-dalang mga mabubuting gawa. Ito ang tanging magtatawid sa atin sa buhay na walang hanggan, hindi ang anumang nakuha nating pera, ari-arian, magagandang damit, dangal o kasikatan sa lupa. Lahat ito’y mababalewala sa oras na tayo’y lagutan ng hininga. Ano na lamang ang matitira sa atin?
Ano ang maipapakita natin sa Panginoon pagdating ng araw kung hindi tayo gumawa ng mabuti at kung hindi natin ginawa ang dapat ayon sa Kanyang kalooban? Ang ebanghelyo ngayon ay isang paalaala sa atin na sa dulo ng ating buhay ay mahalaga na malaman natin ang ating natatanging misyon mula sa Diyos at magamit natin ang lahat ng ating talento, abilidad, materyal na yaman, talino at lahat ng mayroon tayo para sa misyon na ito. Mahalagang makapagbigay tayo sa abot ng ating makakaya.
Huwag na tayong magdamot dahil ang totoo’y lahat ng mayroon tayo ay galing sa Diyos. Ibinabalik lamang natin sa Kanya ang maibabahagi sa iba.
Sa dami ng maaring pagkaaabalahan sa mundo, marahil ay nakakalimutan na natin na ang saysay ng buhay ay wala sa mga bagay na nabibili ng pera. Ito’y nasa pagmamahal, sa mga bagay na hindi nakikita. Pagnilayan natin ito sa ating buhay ngayong malapit nang magtapos ang kalendaryo ng ating Simbahan.
Pag-isipan nating maigi kung para kanino o para saan tayo nabubuhay. Kung kulang pa tayo sa pagbibigay ng sarili o paglilingkod sa Diyos at kapwa, hilingin nating bigyan tayo ng karunungan ng Diyos kung paano magagawa ito ayon sa Kanyang kagustuhan, hindi sa atin. Mapalad ang mga sumusunod sa Diyos sapagkat ang gantimpala nila sa Langit ay walang hanggan at ang tuwa’y hindi nauubos kailanman.
Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon, ipanalangin mo kami upang magawa namin ang kalooban ng Diyos. Amen. +