Natagpuan ni Santa Elena ang tunay na Krus kung saan ipinako ang ating Panginoong Hesukristo. May tatlong aral tayong matutunan sa pagdiskubre ni San Elena sa Krus ni Hesus.
Mayo 3, 2024
Ngayong araw ay ating ginugunita at pinararangalan ang pagkakatagpo ng Krus ni Santa Elena. Isa sa mga barangay na kinasasakupan at kinabibilangan ng ating Parokya ay nagdiriwang ng kapistahan ngayon, ang Barangay Santa Elena. Si Santa Elena ay kilala bilang ina ng Emperador na si Dakilang Constantino. Ano nga ba ang alam natin sa kanyang buhay? Bago siya maging may kaya ay namuhay si San Elena bilang isang katulong. Sa kabila ng kanyang buhay ay pinakasalan niya ang isang opisyales ng Imperyong Romano na si Constantius Chlorus.
Matapos ang dalawang dekada ay tumataas na ang ranggo ni Constantius Chlorus at hiniwalayan na niya si Santa Elena. Matapos ang kamatayan ni Constantius Chlorus ay naging Emperador si Constantino at nagkaroon din ng titulo ang kanyang ina. Dahil sa impluwensya ng kanyang anak ay niyakap ni Santa Elena ang Kristiyanismo at nagsimula na rin siyang maghanap ng iba’t ibang reliko ng mga banal sa kasaysayan ng Simbahan. Dito ay natagpuan ni Santa Elena ang tunay na Krus kung saan ipinako ang ating Panginoong Hesukristo. May tatlong aral tayong matutunan sa pagdiskubre ni San Elena sa Krus ni Hesus.
1. Pagsasamba sa Tunay na Diyos
Ayon sa kasaysayan, noong taong 130, may itinayong templo ang Emperador na si Hadrian sa Herusalem kung saan namatay si Hesus. Ang templo na ito ay para kay “Venus”, isa sa mga diyos-diyosan ng mga Paganong Romano noon. Nang makita ito ni San Elena ay ipinasira niya ang templong ito at dito siya nakakita ng tatlong krus. Pinapakita ni San Elena na simula ng kanyang pagbabagong buhay, hindi na siya sumasamba sa mga diyos-diyosan kundi sa tunay na Diyos na nagkatawang tao para sa kaligtasan natin.
Kung tayo ay tunay na naniniwala sa ating Panginoong Hesus, gagawin natin ang lahat upang sumunod sa Kanya at paglingkuran Siya. Maipapakita natin ang pagmamahal natin sa Diyos kung tayo ay sumusunod sa Kanyang kautusan at kalooban. Maaaring wala tayong nakikitang rebulto ng mga diyos-diyosan tulad dati ngunit sa ating mga buhay, maari tayong matukso na sambahin ang kayamanan at iba pang makamundong bagay. Sa katotohanan, inaanyayahan tayo ng Diyos na talikuran ang ating mga kasalanan at mga temptasyon na magagawa natin kung tayo ay nakatuon sa pag-ibig at sakripisyo ni Hesus para sa atin.
2. Ang Krus ni Hesus ay Nagbibigay Kagalingan
Hindi alam ni San Elena kung ano sa tatlo ang tunay na Krus kung saan ipinako ang ating Panginoon. Gayunpaman, may naganap na himala na naging dahilan para malaman niya kung ano ang totoo sa tatlong ito. Mayroong babaeng maysakit ang dinala niya sa mga krus. Nahawakan ng babaeng maysakit ang dalawang krus at hindi siya gumaling. Ngunit, noong nahawakan niya ang ikatlong Krus, doon ay tuluyang nawala ang kanyang karamdaman. Alam natin na ang Krus ay nagpapaalala sa atin ng pagdurusa ni Hesus.
Gayunpaman, ang Kanyang sakripisyo sa Krus ay nagpapakita rin na sinasamahan Niya tayo sa ating mga paghihirap at binibigyan Niya tayo ng lakas at kagalingan sa mga nararanasan natin. Nawa ay sa mga panahon na tayo ay nahihirapan at maysakit, huwag nating kalimutan na lumapit kay Hesukristo at humingi ng kagalingan at lakas para harapin lahat ng pagsubok, Ang pagpapagaling ni Hesus ay hindi lamang sa pisikal na karamdaman. Kahit sa mga espirituwal na sakit natin na dulot ng ating kasalanan ay mahihilom ni Hesus kung tayo ay magpapakumbaba na lalapit sa Kanya at magdarasal.
3. Pagpapakita ng Pag-ibig sa Kapwa
Si Santa Elena ay naging mayaman ngunit hindi niya ito ginamit sa kanyang pansariling kapakanan. Sa halip, nakilala siya dahil marami siyang natulungang mga komunidad. Lumapit din siya sa mga mahihirap at walang-wala. Noong nadiskubre ni San Elena ang tunay na Krus, hindi natapos dito ang kanyang gawa. Sa halip, nagpatuloy siya sa pagpapakita ng kabutihan sa maraming tao. Ito rin ang sinisimbulo ng Krus ni Hesus. Hindi lamang ito naging instrumento ng Kanyang kamatayan kundi naging instrumento rin ito ng Kanyang pag-ibig para sa atin.
Kung tayo ay nakatanggap ng pagmamahal at biyaya sa ating Diyos, nawa’y maalala natin ang ating kapwa sapagkat sa pamamagitan nito, nagiging instrumento tayo ng Kanyang walang hanggang Awa. Ang pag-ibig ay napapakita, hindi lamang sa salita, kundi pati sa gawa. Pagnilayan natin sa tulong ng Diyos kung paano tayo makakatulong sa mga mahihirap at mga walang-wala at ipapakita sa atin ng Diyos ang paraan para magawa ito.
Dahil kay Santa Elena ay lumaganap ang Kristiyanismo sa iba’t ibang panig ng mundo. Bilang taga-sunod ni Hesus, maging modelo tayo sa maraming tao upang higit na dumami ang nagbibigay-puri sa Diyos. Pagnilayan natin ang pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo sa Krus at ang magandang halimbawa ni Santa Elena para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng panalangin ni Santa Elena, magiging kaisa natin ang Diyos hindi lamang sa ating pagdurusa kundi sa buhay na walang hanggan. Amen. +
Santa Elena, ipanalangin mo kami at tulungang yakapin ang aming mga krus sa buhay. Amen. +