Marso 3, 2024.
MABUTING BALITA
Juan 2, 13-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”
Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apat-napu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.
Nang pista ng Paskuwa, nasa Jerusalem si Hesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga kababalaghang ginawa niya. Subalit hindi nagtiwala sa kanila si Hesus, sapagkat kilala niya silang lahat. Hindi na kailangang may magsalita pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas niya ang kalooban ng lahat ng tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang paglilinis ni Hesus ng templo ay nagiging dahilan ng iba kung ikatwirang si Hesus ay nagagalit din daw. Ito’y para pagbigyan din marahil ang galit ng iba. Subalit iba ang galit ni Hesus. Ito’y nasa tama. Wala itong halong paghuhusga na walang hustisya o masama at tunay na para sa nakabubuti. Samakatuwid, ito’y ang galit na walang sala. Maari tayong magalit ng walang pagkakasala kung hindi ito dahil sa pagmamataas na natutuwa tayong tayo ang tama at mali ang iba. Maari ring kapag hindi tayo naghuhusga na base lamang sa sarili nating isip na kahit gaano pa katalino ay maaring magkamali. Maari ring kapag gusto natin na ang gusto natin ang masunod agad-agad nang wala nang puwang para sa awa ng iba. Hindi ganito si Hesus sapagkat ang paghuhusga Niya ay nasa tuwid.
Kaya naman tayo, mga kapatid, nasa kalagitnaan ng panahon ng Kuwaresma ay dapat na patuloy na mag-ingat at magsiyasat ng ating mga puso. Bago natin gawin ang mga bagay at sabihin ang mga salita, ugaliin nating manalangin. Hindi lamang ito para sa mga pari o relihiyoso kundi para sa ating lahat. Ilang beses bang tayo’y nagkakasala dahil sa galit dahil hindi tayo nag-iisip kung tama o mali ang ating paghuhusga? Ilang beses bang tayo’y nagkakasala sa pag-aakalang tayo ang tama, iyon pala ang isipan natin ang hindi nakakaunawa sa malawak na karunungan ng Diyos na may awa?
Ngunit kung sigurado tayong wala tayong sala sa pagkagalit natin, ito’y para sa ikabubuti ng marami at hindi rin tayo nagkakasala sa proseso. Ito’y magpapadalisay sa atin at sa Simbahan ng Diyos, pati na rin sa ibang taong nangangailangang marinig ang kanilang pagkakamali upang sila ay mabago ng Diyos.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.