Disyembre 8, 2024
MABUTING BALITA
Lucas 3, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, si Herodes ang tetrarka sa Galilea at ang kapatid naman niyang si Felipe, sa lupain ng Iturea at Traconite. Si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia. Sina Anas at Caifas naman ang mga pinakapunong saserdote noon. Nang panahong iyon, nasa ilang si Juan na anak ni Zacarias. Dumating sa kanya ang salita ng Diyos, kaya’t nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan at nangaral. “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos,” wika niya. “Sa gayo’y natupad ang nasusulat sa aklat ni propeta Isaias”
“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang:
‘ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!
Tatambakan ang bawat lambak,
at titibagin ang bawat burol at bundok.
Tutuwirin ang daang liku-liko,
at papatagin ang daang baku-bako.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos.” Paano nga ba natin makikita ang pagliligtas ng Diyos? Alam natin na Siya ay naglitas sa pamamagitan ng Krus at muling pagkabuhay ngunit ito ring pagliligtas na ito ay makikita sa araw-araw nating pamumuhay. Tuwing tayo ay nakalalagpas sa bawat pagsubok ng buhay, ito ay pagliligtas ng Diyos. Sa tuwing tayo ay nagkakaroon ng pag-asa sa gitna ng pagkalugmok, ito ay pagliligtas ng Diyos. Sa tuwing nakakatanggap tayo ng lakas, awa at grasya mula sa Diyos para mapagtagumpayan ang tukso at kasalanan, ito ay pagliligtas ng Diyos.
Maraming dahilan upang papurihan at pasalamatan Siya subalit hindi ito madaling makita kung sa sarili lang tayo nakatuon at hindi sa Diyos. Nawa sa ating pagninilay ay makita natin ang kilos ng Diyos sa ating buhay, sa gitna ng maraming pagsubok. Naroon pa rin ang Diyos. Tayo rin ay may kailangang gawin upang maranasan ng iba ang kaligtasan ng Diyos. Tayo ay mga instrumento Niya na may obligasyong mag-isip, kumilos at magsalita ng mabuti sa tulong ng Panginoon. Pagnilayan natin kung paano natin ito mas magagawa sa ating buhay. Baguhin natin ang hindi magandang ugaling nakasayan sa pamamagitan ng grasya ng Diyos. Ngayong ikalawang Linggo ng Adbiyento ay sisindihan ang ikalawang kandila na ang kahulugan ay “kapayapaan”. Maging payapa nawa ang ating puso sa paniniwalang Diyos ay kasama natin anuman ang ating kaharapin. Amen. +