Pebrero 25, 2024.
MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon: Umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Nasaksihan natin sa ebanghelyo ang Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon. Sa Ingles, ang tawag po rito ay “Transfiguration of the Lord” at ang pista nito ay ipinagdiriwang tuwing ika-6 ng Agosto. Bakit natin ito pagninilayan ngayong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma? Ang mga tagpong ito ay nangyari bago ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus. Nais ng Panginoon na bigyan ng lakas ng loob ang mga alagad para sa darating na sasapitin ni Hesus na pagkamatay sa Krus.
Kaya naman ang pagbabagong-anyo ni Hesus ay kasama rin sa Misteryo ng Liwanag sa Santo Rosaryo. Dito ipinapakita at pinatutunayan mismo ng Diyos na si Hesus ay Kanyang Anak at dapat tayong makinig sa Kanya. Ang sinumang makinig sa Salita ng Diyos at magsabuhay nito ang siyang magkakaroon ng liwanag sa kanyang kalooban at buhay. Ano ba ang liwanag? Kapag mayroon tayong pinagdaraanang problema, tila ito ang dilim. Ang pamumuhay sa kasalanan ay karanasan din ng dilim. Walang gustong mahayag na siya’y nagkakasala. Ito’y ginagawa ng patago – pagsisinungaling, pagnanakaw, paninirang puri at pakikiapid. Lahat ng ito at iba pang kasalanan ay sa kadiliman.
Subalit kung sasabihin nating tayo’y nasa liwanag ng Diyos, ang lahat dapat sa atin - ang mga iniisip, sinasabi at ginagawa natin ay payapa, tama at mabuti. Wala tayong dapat na itinatago sa ating konsensiya o kinukubli sa Diyos o anumang atraso sa kapwang pinagpapatuloy at pinababayaan lamang natin. Kahit may Krus pa na kaakibat ang paggawa at pagtatanggol sa mabuti, may kapanatagan naman ng loob na sa Diyos lamang makukuha. Mararanasan lamang natin ito kung tunay tayong magpapakababa sa harapan ng Diyos upang magsuri ng ating mga sarili at tingnan kung saan tayo nagkulang sa Kanya at sa kapwa.
Ito na ang panahon ng ating pagbabago. Inaanyayahan tayo ng Diyos na mamuhay sa liwanag ng ebanghelyo. Gamitin natin ang ating isip at lakas ng kalooban upang humingi ng gabay ng Espiritu Santo na malaman ang lahat ng ating kahinaan at kasalanan. Hilingin nating baguhin tayo ng Diyos at tunay na maging mabunga ang Panahon ng Kuwaresma para sa atin. Maari tayong gumamit ng gabay sa kumpisal at taos pusong gawin ito. Magsimba na tayo tuwing Linggo at hindi lang tuwing may okasyon. Ito’y banal na araw ng obligasyon.
Tandaan natin na ang lahat ng pagpapala at pamumuhay ng tuwid ay magsisimula sa ating pagsisimba - sa pagtanggap ng Banal na Katawan at Dugo ni Hesus na inialay para sa ating lahat. Si Hesus mismo sa Banal na Eukaristiya ang ating Liwanag. Siya ang ating pananggalang laban sa tukso upang gumawa ng mabuti at makabangon muli mula sa ating mga pagkukulang at pagkakasala.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.