Paalaala Para Maging Kapakipakinabang ang 40 Araw ng Kuwaresma
Pebrero 13, 2024
Bukas sa Miyerkules ng Abo ay simula na ng tinatawag nating "Lenten Season" o Kuwaresma. Ang pananampalatayang totoo ay nagsisimula sa pagka-musmos pa lamang. Isang malaking pagkakamali kung ipagkakait ng mga magulang sa anak ang pagkakatong maturuan sila ng pananalig sa Diyos at tamang pagsamba sa Kanya kung hahayaan natin silang magcellphone at maging abala sa gadget sa loob ng simbahan. Tiyak kung tuturuan sila ng tungkol sa Diyos, kung sino Siya at ano ang dapat gawin sa loob ng tahanan Niya ay susunod sila kahit hindi pa man nila lubos na maintindihan. Paglaon ay lalaki rin sila at magkakaroon ng pang-unawang mula sa Diyos. Ang mahalaga ay sinanay sila ng mga magulang hindi sa mali kundi sa tama. Tutulungan tayo ng Diyos na makilala Siya ng mga bata sa kanilang paglaki.
Dalhin natin ang mga bata sa simbahan. Magsimba tayo kasama ng ating mga anak at ipaliwanag sa kanila na si Hesus ay naroroon mismo sa Banal na Sakramento, dugo at katawan.
Turuan natin sila ng mga bagay na tungkol sa Diyos at Banal na Eukaristiya. Hindi lang sekular na edukasyon kundi tunay na pagkilala sa Diyos at pagtanggap ng mga sakramento sa simbahan ang pinakamahalagang pamana ng mga magulang sa anak. Turuan natin silang magdasal at ng tamang pag-aasal ayon sa kanilang edad lalo kung sila'y nakakaintindi na ng mga simpleng panuntunan. Ito ang pagsunod at pagtanggap sa Diyos na magliligtas ng kanilang kaluluwa pagdating ng panahong kailangang kailangan nila.