Tuwing ika-9 ng Nobyembre ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma. Naganap ang pagtatalaga sa simbahang noong ika-9 ng Nobyembre, 324.
Ang unang simbahan ay itinayo noon pang ika-apat na siglo. Samantalang ang kasalukuyang simbahan ay ipinatayo ni Papa Inocencio X noong 1646. Ang Basilika ng San Juan Laterano ang itinuturing na katedral ng Obispo ng Roma o ng Santo Papa mismo. Kaya naman, ito rin ang kinikilalang "Inang Simbahan" ng mga Katoliko sa buong mundo.
Tanda ng ating pagmamahal sa Diyos ay nagpapakita tayo ng kaululang paggalang sa mga simbahan. Ipinakikita natin ito sa pamamagitan ng pagyuko o pag "genuflect" pagpasok dito at sa tuwing daraan tayo sa harap ng tabernakulo. Nagsusuot din tayo ng disente tuwing dadalo sa Banal na Misa o iba pang gawaing pagsamba.
Ngunit bukod sa simbahan, iniimbitahan din tayo upang magpakita ng paggalang sa ating sariling katawan. Ayon sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto, tayo ay templo ng Diyos at naninirahan sa atin ang Kanyang Espiritu. Kaya dapat tayong maging banal sa ating pagkilos at pananalita. Iwasan natin ang mga bagay na makasisira sa dignidad ng bawat tao kagaya ng paninirang puri o pagkakalat ng tsismis. Ingatan din natin ang ating sariling katawan sa pamamagitan ng hindi pagbibisyo at hindi pang-aabuso rito. Tandaan natin na tayo ay templo ng Diyos at ang templong ito ay banal. Panatilihin natin itong banal sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsisimba tuwing Linggo, at pangungumpisal.
Mapagpalang kapistahan po sa ating lahat!