KABABAANG LOOB NI KRISTO | Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marga de Jesus

Nobyembre 5, 2023


MABUTING BALITA

Mateo 23, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanang ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyo tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa.


Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid.


At huwag ninyo tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesiyas. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


PAGNINILAY:


Sa ebanghelyo ngayon, binalaan ni Kristo ang mga tao at Kanyang mga tagasunod tungkol sa mga Pariseo at mga eskriba bilang mga pinuno ng relihiyon. Sila ay mga taong inatasang magturo ng batas na may layuning ilapit sila sa Diyos, ngunit ginagawa nila itong mas mahirap para sa mga tao. Kaya't ang ilan sa mga sumusunod sa kanila ay halos mawala sa landas patungo sa Diyos. Nangyayari ito kapag ang sinumang pinuno ng isang komunidad ay may pagmamataas at kasakiman sa puso. Kapag ganito ang isang lider, ang kanyang plano para sa sariling kapakanan lamang ang natutuloy, hindi ang para sa kapakanan ng komunidad.

 

Tayo’y mga taga-sunod ni Kristo, hindi ng sariling kagustuhan. Upang maging isang lider tulad ng ating Panginoon, kailangan nating maging mapagpakumbaba. Ito ay nangangahulugan na hindi mataas ang tingin natin sa ating sarili, ni hindi natin iniisip na tayo ay mas mahusay kaysa sa iba. Hindi naman talaga pinagbawalan ni Hesus ang pagtawag ng “father” o “ama” dahil lahat naman tayo ay mayroon nito. Ang ibig sabihin nito’y walang sinumang dapat na ituring bilang kapalit ng Diyos. Kung may magaling, tandaan na sa iisang Diyos pa rin tayo nagmula. Sa Kanya galing ang lahat ng kabutihan. Alam ng isang matinong lider na siya ay naatasang maglingkod sa maraming taong ipinagkatiwala sa kanya.


Siya ay nagiging larawan ng Mabuting Pastol na nag-aalaga hindi nag-aabuso sa mga nasasakupan niya. Tulad nito, pinamumunuan tayo ni Kristo hindi sa pamamagitan ng puwersa o takot, ngunit sa pamamagitan ng pag-ibig.

Ibinaba ni Kristo ang Kanyang sarili sa atin. Siya ay Hari subalit pinili Niyang mag-anyong munting puting tinapay na ating kinakain sa Banal na Misa. Ilan sa atin ang nakakaalam na kailangan ng pagpapakumbaba para magawa ito? Tunay nga, ang Diyos ang pinaka mapagpakumbaba. Dahil dito ay karapatdapat Siyang tularan upang tayo ay maging tunay Niyang mga anak sa salita at sa gawa.


Dapat din nating ibaba ang sarili sa iba at pagsilbihan sila. Sa pamamagitan ng ating tunay na pagmamahal at pagmamalasakit sa iba na mahihirap, mga pinabayaan, at itinatakwil ng lipunan, madarama nila ang pagmamahal ng Diyos sa kanila. Nawa'y matutuhan natin kung paano gamitin ang ating mga materyal na yaman, abilidad, at talento upang paglingkuran si Kristo sa mahihirap. Ito ang daan patungo sa ating pinakamalaking gantimpala - ang makasama si Kristo sa Langit.


Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon, ipanalangin mo kami upang magawa namin ang kalooban ng Diyos. Amen. +


Marga de Jesus | OLA Social Communications


PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po.


Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at ipanalangin ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon. Amen.


#OLAmarikina #BirhenNgMarikina



By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: