Hindi lang daw tayo sinasamahan ng Diyos, binibigyan pa Niya tayo ng pag-asa. Ang hamon daw sa atin ngayong Simbang Gabi ay maging “Joyful Christians”.
Ika-16 ng Disyembre, 2023.
MABUTING BALITA
Juan 1, 6-8. 19-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayun?” tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
Sumagot si Juan, “Ako
‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’”
Ang Propeta Isaias ang maysabi nito.
Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Homily Highlights ni Rev. Fr. Keith Buenaventura
“Ibinibigay sa atin bilang modelo ng kagalakan si San Juan Bautista. Bakit po kagalakan?” Ayon kay Father Keith, “Simbang Gabi is a season to be joyful. We have nine days of rejoicing in the Lord.”
“Kung minsan may nagtanong sa akin, “Bakit ganun, father, ako na nga yung naglilingkod sa simbahan, ako pa ang binibigyan ng Diyos ng matinding pagsubok.”
Aniya, ang sagot dito ay “Hindi inaalis ang problema pero ibinibigay sa atin ng pananampalataya yung ‘assurance’ na kasama natin ang Diyos sa ating pinagdaraanan at doon po nag-uugat ang ating kagalakan. Anuman ang pagdaanan natin sa buhay, alam nating kaagapay natin ang Panginoon.”
Dagdag pa ni Father Keith, hindi lang daw tayo sinasamahan ng Diyos, binibigyan pa Niya tayo ng pag-asa. Ang hamon daw sa atin ngayong Simbang Gabi ay maging “Joyful Christians”. Kailangan nating maging “joyful” sa lahat ng bagay anuman ang kinakaharap sa buhay.
Pinaliwanag niyang iba ang galak sa saya. Kung saya lang, maaring galing lamang ito sa labas, panandalian lamang. Si San Juan Bautista ay itinuturing na “patron saint of spiritual joy”. “Being joyful is a verb, it is to rejoice”. Kailangan daw nating malaman sa ating sarili kung ano ang sapat na. Kung hindi natin ito malalaman, habang buhay daw tayong maghahabol at maghahanap ng “Gusto ko pa”. Ang taong hindi marunong makontento ang hindi nagiging masaya sa buhay.
Nagtapos ang homiliya ni Father Keith sa mga paanyayang ito: “Sa Pasko pong ito, ang [hiling] ko para sa inyo, ay mahanap ninyo ang kagalakan sa sabsaban. Pagmasdan ninyo kung may [oras] kayo, mapadpad kayo rito sa ibang oras na tahimik, titigan ninyo ang sabsaban. Pagmasdan, pagnilayan, napakasimple ng pagdating ng Panginoon. Kontentong buhay at kumakapit sa Diyos sina Maria at Jose. Magalak tayo mga kapatid at magpasalamat ngayong Pasko. Amen. +
Marga de Jesus | OLA Social Communications
#OLAmarikina #BirhenNgMarikina