Bishop Santos: "Tandaan po natin, sabihin ang mabuti, tingnan ang mabuti, gawin ang mabuti."
Ika-20 ng Disyembre, 2023.
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon.
Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Homily Highlights ni Most Rev. Ruperto Cruz Santos, DD., Obispo ng Diyosesis ng Antipolo
“Ang ating ebanghelyo ay tungkol sa ating Mahal na Ina, ang Birheng Maria at si Elisabet”. Ayon kay Most Rev. Ruperto, si Maria ang pinili, inatasan at hinirang ng Diyos sa kabila ng pagiging karaniwan at ordinaryo. Gayundin, nagpahayag ng awa at kapangyarihan ang Diyos kay Elisabet nang isilang niya si San Juan Bautista sa kabila ng pagiging matanda at baog nito. Sinabi ni Most Rev. Ruperto na walang dapat ikatakot si Elisabet dahil dumating sa kanya ang Ina ng Tagapagligtas at ang isisilang na Tagapagligtas. Dagdag pa ni Bishop Santos,
“Ang ating ebanghelyo ay ang ikalawang misteryo ng tuwa…ang lahat ng pinagdaanan ni Maria ay hindi palaging kalagakan at kasiyahan. Hindi palagi kung saan ay magaan at madali.” Ang aral ng ebanghelyo ay huwag nating tingnan ang mga kakulangan, huwag pag-usapan ang hindi maganda at huwag pansinin ang kahinaan. May tatlong hamon ang ebanghelyo: 1) Sabihin ang mabuti, 2) Tingnan ang mabuti, 3) Gawin ang mabuti. Ito ang ipinakita at ito ang ginawa ni Maria at Elisabet sa ebanghelyo.
Tungkol sa una, ipinaliwanag ni Most Rev. Ruperto na marami tayong maririnig na salita na nakakasakit, humuhusga, nanghahamak, at masama o nakakasira. Kahit walang pagdududa, sinabi ni Elisabet ang mabuti, binigkas ang maganda at pinuri si Maria nang sabihin ni Elisabet, “Lubos kang pinagpala sa lahat ng kababaihan.” Una sa lahat, ang mga salita sa ating labi ay dapat na mabuti.
Ikalawa, dapat nating tingnan ang mabuti. Ayon kay Most Rev. Ruperto, ang pagtingin ng Mahal na Birheng Maria ay punong-puno ng pag-alala, pagmamalasakit at pag-ibig. Nasa isip ni Maria na [may] kailangan tulungan at damayan. Dinagdag niya na kung sino ang may tingin ng pagmamalasakit, sila ay may tingin ng pag-ibig. Inihayag ni Most Rev. Ruperto, “Huwag po natin hanapin ang mga pagkakamali at pagkukulang.”
Panghuli naman ang gawin ang mabuti. Mayroon tayong magagawa sa lahat ng bagay at may maibibigay tayo sa lahat ng pangyayari. Dahil dito, mahalaga na gawin natin ang mabuti. Matapos na marinig ni Maria ang Mabuting Balita mula kay Arkanghel Gabriel, si Maria ay pumunta kay Elisabet para siya’y tulungan at damayan sa kanyang nalalapit na panganganak kay San Juan Bautista.
Ang homilya ni Most Rev. Ruperto Cruz Santos ay nagtapos sa mga paanyayang ito: “Tulad ng ginawa ni Maria at Elisabet, tandaan po natin, sabihin ang mabuti, tingnan ang mabuti, gawin ang mabuti”. Amen. +
#OLAmarikina #BirhenNgMarikina