Isa sa pinakamatinding pagpapasya ng lakas ng tao ang kamatayan niya sa Krus. Nang lagpasan ang bawat sákit dulot ng mga kapangyarihan ng mundo, si Kristo’y huminga ng huli at inalay ang kanyang espiritu. Madalas ito’y nakikita bilang isang kawalan. Si Kristo’y nawala dahil siya’y pinid. Wala siya sa kanyang katawan. Hindi gising, ni hindi tulog. Ang katawan ay bugbog, kaagnas agnas.
Ang ating debosyon sa patay na Kristo ay may dalang kapanganiban sa mga ugali patungkol sa paghihirap at kamatayan. Madalas mapagkamalan sa ganitong pagpupugay ang pangangailangan ng matinding paghihirap at, sa ibang kaso, ang karukhaan sa panghihiya at pagpaslang.
Ngunit iisang katotohanan ang binubuo ng Kanyang pagkamatay, at ang inaasahan ng Kanyang mga alagad na pagkabuhay. Ito ay nakapaloob sa bawat aral na pinahiwatig ni Kristo magpahanggang sa rurok ng kanyang katauhan bilang Diyos.
Siya’y nagbigay ng buong sarili sa porma ng tinapay at alak, nagtimpi sa pang aalipusta at pagpapahirap, at tinubos ang pinahayag sa ministriya sa pag-aalay niya ng buong sarili sa Kalbaryo. Bagkus pinag-iisa ng Kanyang kamatayan sa krus ang lahat ng isinasagawa nating ritwal taon-taon. Nang hindi rin makalimutan, araw-araw sinasariwa ito sa banal na misa.
Sa Kalbaryo Niya napatunayan na siya, sa kabuuan, ay Diyos na nakiisa sa lahat ng danas ng tao. Ginawa Niya ang kalugmok-lugmok at hindi inaasahan ng makamundong tanaw sa pagmamahal. Linisan niya ang mga seguridad sa tabi ng mga alagad at nakipagsapalaran sa tinakda para sa kanya ng Diyos Ama.
Subalit nakakabingi ang Kanyang pagkahimlay, patuloy ang pagsalba ni Hesus. Tiyak, nagpunta siya sa kaibuturan at hinango ang mga kaluluwang nag antay nang kay tagal para maligtas sa pagiging limot.
Pinamimintuhuan natin Siyang naghihirap at pinatay. Mas madalas pa kaysa sa Kanyang ibang ikonograpiya sa bansa, ayon sa pag aaral ng etnograpong si Julius Bautista.
Pinaparangalan natin ang Kanyang krus, hinahalikan ang Kanyang hulmang pagkatao. Binabantayan natin tuwing hapon ng Biyernes Santo ang Kanyang bangkay sa prusisyon nang sa pagtahak ng lansangan mapagnilayan ang Kanyang muling pagbabalik. Gayon na nga, nakasalalay sa isang pinid na Kristo ang ating pagtungo sa ganap na katotohanan.
May mga karanasang nagpapalabnaw ng diwa ng pagka-Diyos ni Kristo dahil siya ay namatay. Ngunit, sa pakikipagtuos sa mga makamundong hangarin, mas lalong dapat damayan si Kristo. Patuloy siyang magliligtas kahit ang nakikita lang natin ay nakapirmi na Nazareno at tila walang laban sa kung ano’ng mga elemento.
Malakas nga ang representasyon nito bilang isang pakikipagtuos sa buhay bilang tao. Sa pamamagitan ng nakahimlay na Kristo, nababagtas natin ang mga limitasyon at ang kaakibat nitong pagtindig sa kaligtasan bilang sambayanan.
Mahirap isipin, ngunit sa bawat pagpapanibago sa kinagisnang gawi at pagbaling sa kanyang pagkahimlay ay lumilinaw ang mga tunguhin ng lahat. Nagiging isang uri ng pag-usad ng kasaysayan ang pagkapirmi ni Kristo. Mananatiling Diyos si Kristo ngunit tayong mga tao ay nangangailangan sa kanya. Nang maging realidad ang mga hangarin natin, ang pagkapirmi niya ay nararapat na maging simula ng pagkilos ng sarili patungo sa pagdamay at paghango sa kapwa. Rekisito nito ang paglisan sa mga gawi na nagpapahirap sa kapwa tao.
Nalalagpasan nga naman ang tendensiya na maging tao lamang. Nawa’y landasin ang pinangakong kaligtasan ng Diyos.
Martin Singh | OLA Social Communications