MABUTING BALITA
Juan 10, 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa.
Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.
“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang Linggo na ito ay kilala rin bilang “Good Shepherd Sunday”. Sa ebanghelyo, ipinakilala ni Hesus ang sarili bilang ang Mabuting Pastol. Kasunod nito ay ang pagpapaliwanag na ang pagiging Mabuting Pastol ni Hesus ay dahil sa pag-aalay ng Kanyang buhay para sa atin na Kanyang mga tupa.
Hanggang ngayon, hindi Niya tayo iniwanan at ang Santo Papa, mga obispo at pari ay mga pastol sa ating Simbahan sa utos at katayuan ni Kristo dito sa mundo. Kaya mahalagang ngayong araw din ay maipagdasal natin sila at sana’y dumami pa ang tumugon sa bokasyon ng pagsisilbi sa Diyos at sa Kanyang Simbahan.
Tayo rin sa kanya-kanyang buhay at pamayanan natin ay may pagkakataong maging pastol sa iba. Sa pagiging lider, pagsisilbi, pag-aaral, paghahanap-buhay at kung ano pa, lagi tayong mayroong tungkulin na alagaan ang bawat isa at siguraduhing sa pamamagitan ng ating kilos, mga gawa, pakikitungo sa iba at salita ay napapapurihan ang Diyos at hindi ang masama. Dahil dito, maakay natin ang iba sa Diyos hindi man sa salita kundi sa gawa at kilos na nagpapatotoo sa ating totoo at malalim na pananalig sa Diyos.
Isa itong pagkakataon na suriin ang ating sarili dahil marahil minsan ay hindi natin namamalayan na ang maliit na papel na ating ginagampanan ay malaki ang epekto sa iba at pangkalahatan. Inaaanyayahan tayong tularan ang Mabuting Pastol na ang pagiging dakila ay hindi nakasalalay sa pagkamakasarili at sa pag-aangat ng sarili, kundi sa buong pagbibigay at pag-aalay ng buhay. Kung tunay nating maibababa ang ating sarili para ang iba ay lumago, dahil na rin sa ating purong pagmamahal, magiging daan ito upang tayo’y maging dakila sa Langit. Amen. +
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.